PINAIGTING ng pamahalaan ang pagsisikap nito na i-convert ang inaasahan ng bansa na water supply mula sa underground water sa surface water.
Binigyang diin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., sa panayam sa kanya ni dating Social Welfare Secretary Erwin Tulfo ang pangangailangan ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan na gumawa ng kakailanganing paghahanda para tugunan ang nagbabadyang dry spell o El Niño phenomenon.
“Kasi tubig ang pinag-uusapan, marami talagang elemento na kailangan isama diyan sa usapan na ‘yan. But we are slowly converting our dependence of water supply from underground water to surface water. ‘Yun ang pinaka-basic diyan and then the distribution systems,” ang pahayag ni Pangulong Marcos sa radio program ni Tulfo sa government-owned Radyo Pilipinas.
“‘Yung ating mga…kung pupuntahan mo ‘yung mga distribution system natin sa mga water authority, kung titingnan mo ‘yung mga ano, noong giyera pa nilagay ‘yung ano… noong panahon pa ng giyera eh noong nilagay ‘yung mga tubo-tubo eh,” ang sinabi ni Pangulong Marcos.
Kamakailan lamang ay nilagdaan ni Pangulong Marcos ang isang executive order na naglalayong lumikha ng Water Management Office (WMO), nagpahayag na ang government platform ay makatutulong na maharap ang water crisis sa bansa.
“Kasi alam naman natin pag walang tubig, walang buhay. Ganun lang kasimple ‘yan. So… ganun ang approach namin na kailangan na magkaroon ng sapat na supply ng malinis, ligtas na tubig na kahit pag masyadong mahina ang ulan o nagka-El Niño, masyadong mainit ay magkakaroon tayo ng… mayroon pa rin tayong water supply,” ang paliwanag ng Pangulo.
“Ngayon, kung talagang hanggang ngayon ay wala pa, kulang pa, ang gagawin natin siyempre pag-aaralan natin kung saan talaga ang priority. Saan ang uunahin? ‘Yung mga city ba, ‘yung mga agrikultura ba? And again, bawat lugar ay iba. Iba siyempre, ‘yung mga urban communities, ‘yung mga siyudad. ‘Yung freshwater, ‘yung drinking water,” ang dagdag na wika ng Punong Ehekutibo.
Kaya nga pinalakas ng pamahalaan ani Pangulong Marcos ang alert at warning systems para makapagbigay ng El Niño forecasts at epekto nito.
“Kaya’t, ‘yun isa pa ‘yan, pinapatibay natin ang kakayahan ng DOST (Department of Science and Technology), ng PAGASA (Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration) para ma-warningan naman talaga tayo nang mabuti na may parating na ganito,” ayon sa Pangulo.
Sa nagdaang sectoral briefing, ipinag-utos ni Pangulong Marcos sa mga ahensiya na mag-isip ng whole-of-government strategy para tugunan ang El Niño phenomenon na maaaring tumama sa bansa ngayong taon hanggang sa unang bahagi ng susunod na taon.
Samantala, dalawang specific instructions ang ibinigay ng Pangulo at ito ay ang “adoption of a whole-of-government or whole-of-nation approach and putting up protocol-based and scientific long-term processes that could be adopted by the country.” (CHRISTIAN DALE)
