ESPINOSA NAMUMURONG MASIPA SA WPP

AALISIN sa Witness Protection Program (WPP) si Kerwin Espinosa sa sandaling mapatunayang sangkot pa rin ito sa operasyon ng ilegal na droga kahit nasa kustodiya ng National Bureau of Investigation (NBI).

Ito ang paniniyak ni Justice Secretary Menardo Guevarra dahil si Espinosa ay tumatayong testigo laban kay Senator Leila de Lima kaugnay sa kaso nitong may kinalaman sa ilegal na droga.

Kasabay nito, inatasan ni Guevarra ang NBI na magsagawa ng imbestigasyon sa alegasyon na patuloy na nakapagtatransaksyon sa ilegal na droga si Espinosa.

Una nang sinabi ni PLtCol. Jovie Espenido na si Espinosa ang nasa likod ng operasyon ng ilegal na droga sa Pampanga, Cavite, Bulacan, Pasay City at Taguig City.

Kabilang sa ibinulgar ni Espenido na si Espinosa umano ang nasa likod ng P5 bilyong halaga ng shabu na nakumpiska sa Bulacan na nagresulta rin sa pagkakaaresto kina Yuwen Cai, Angela Tulio at Ma. Lyn Tulio.

Sinabi naman ni NBI OIC Director Eric Distor na nagsasagawa na ng imbestigasyon ang composite team sa pamumuno ni Deputy Director Atty. Antonio Pagatpat.

Nakikipag-ugnayan na rin sila sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Philippine National Police (PNP) para makakalap ng impormasyon. (RENE CRISOSTOMO)

280

Related posts

Leave a Comment