ETHICS COMPLAINT LABAN SA ‘NAGWALANG’ KONGRESISTA

PARA maturuan umano ng leksyon, irereklamo sa House ethics committee ng dalawang babaeng mambabatas si Agri party-list Rep. Wilbert Lee dahil sa pambabastos umano nito sa kanila noong huling araw ng deliberasyon sa 2025 national budget.

Ito ang nabatid kay House appropriation vice chairperson Rep. Natasha Co matapos umanong duru-duruin sila ni Marikina Rep. Stella Quimbo ni Lee dahil isinalang sa deliberasyon ang budget ng Department of Budget and Management (DBM).

“Dinuro-duro niya kami at sinabi niya na kung hindi niyo ako pagsasalitain manggugulo ako to which Cong Stella respond to Cong Wilbert saying na bakit ka galit sa amin sponsor lang kami dito,” pahayag ni Co.

Unang nang-agaw ng eksena si Lee sa plenaryo nang agawin nito ang mikropono kay House deputy minority leader at Samar Rep. Paul Daza para tutulan ang pag-apruba sa budget ng DOH dahil sa usapin ng Philippine Health Insurance Corporation (Philhealth) na hindi umano dinaragdagan ang benepisyo ng mga miyembro.

Dahil dito, nagkaroon ng tensyon sa loob ng session hall subalit bago ito ay kinumpronta ni Lee sina Co at Quimbo sa likod na hindi nahagip ng camera at tanging ang tila pagwawala ng Lee ang nakunan.

Matapos maaprubahan ang DOH budget, nilapitan ng kanilang mga kasamahan sina Co at Quimbo kung saan nakitang nagpunas ang mga ito ng luha. (BERNARD TAGUINOD)

67

Related posts

Leave a Comment