EU PARLIAMENT MEMBERS, MGA SENADOR NAGKAINITAN

KINUMPIRMA ni Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa na naging mainit ang diskusyon ng mga senador at mga miyembro ng European Union parliament kaugnay sa isinusulong na imbestigasyon ng International Criminal Court o ICC.

Nakipagpulong ang anim na miyembro ng European Parliament SubCommittee on Human Rights sa Senado para sa pagtutulungan sa pagsasaayos ng pagtugon sa human rights situation sa Pilipinas.

Bago tuluyang simulan ni Dela Rosa ang pagdinig sa estado ng Marawi Compensation Fund, isinalaysay nito ang nangyari sa pulong kung saan isa anya sa mga miyembro ng EU Parliament ang kumwestyon sa resolusyon na inihain ni Senador Jinggoy Estrada na nagsusulong ng sense of the Senate laban sa imbestigasyon ng ICC kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Sinabi ng senador na sinagot niya ito at ipinaalala na 300 taon na sinakop ng Espanya ang Pilipinas at ngayon na ganap nang malaya ang bansa ay umaasa silang igagalang ng mga banyaga ang ating soberanya.

Nakalimutan lamang anya niyang ipaalala na sa 300 taon na pagsakop sa Pilipinas ay hindi nito nasaklawan ang Muslim Mindanao.

Sa kabilang dako, ipinaliwanag ng EU member na posibleng nagkaroon lamang ng misinterpretation si dela Rosa sa naging tono ng kinatawan ng Espanya at wala naman itong intensyon na makipaggirian sa mga senador.

Samantala, inihayag naman ni Senador Francis Tolentino na inirekomenda niya sa EU parliament na gayahin ang Marawi Compensation Fund dahil maging sila anya ay hindi naman perpekto.

Katunayan anya ay inaabuso rin nila ang mga Pinoy driver partikular ang 83 truck drivers na biktima ng human trafficking sa Belgium. (DANG SAMSON-GARCIA)

195

Related posts

Leave a Comment