(NI CHRISTIAN DALE)
HINDI junket ang biyahe ng government official delegation sa Europa para sa press caravan.
Binigyang-diin ni Presidential Communications Office Secretary Martin Andanar na side event lamang ang press freedom caravan at ang tunay na pakay ng nasabing biyahe ay upang ipaliwanag ang isyu tungkol sa involuntary disappearances gayundin sa anti-communist terrorist groups at iba pa.
Ang biyahe, aniya, ay alinsunod na rin sa isinasaad ng Executive Order 70 na kung saan, inaatasan aniya ang PCOO bilang miyembro ng National Task Force upang magbigay ng communications support sa kampanya ng pamahalaan kontra Communist Terrorist Groups.
Inihayag ng kalihim na bahagi ng kanilang mandato na maipaliwanag sa international bodies ang panig ng pamahalaan sa iba’t-ibang mga usapin na may kinalaman sa polisiya nito, mga programa at mga naging achievement ng kasalukuyang administrasyon.
Pagtiyak ni Andanar, walang pondo ng pamahalaan na nasayang sa naturang opisyal na misyon na base na rin sa direktiba ng National Security Council.
Ilang mga mambabatas ang kumuwestiyon sa nasabing biyahe at nagtatanong kung bakit kailangang magpaliwanag ang pamahalaan sa international community kaugnay ng lagay ng press freedom sa Pilipinas.
141