EX-MAYOR KAKASUHAN NG TRANSPORT GROUP

SASAMPAHAN ng kasong kriminal ng isang transport group ang dating alkalde ng Rodriguez, Rizal at dalawang kasamahan nito dahil sa panghaharas sa kanilang mga opisyal at miyembro.

Sa ginanap na lingguhang Meet the Press Forum ng National Press Club, sinabi ni Deltha Bernardo, general manager ng Common Transport Service Cooperative, na inihahanda na nila ang kasong kriminal laban kina Cecilio Hernandez, Engr. Alexander Almario at Brgy. Chairman Karen May Hernandez.

Ayon kay Deltha, nagsimula ang panghaharas sa kanila nang lumabas ang kanilang 15 unit ng modern jeep sa ilalim ng PUV Modernization Program ng DOTr.

Aniya, sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte ay nakabili sila ng isang lupain na ginawang terminal at garahe sa San Isidro, Rodriguez, Rizal.

May hawak umano silang dokumento, kontrata at titulo ng lupa ng nagmamay-ari nito.

Pinalalabas umano ni Hernandez na pag-aari niya ang ginawang terminal ngunit walang maipakitang dokumento.

Hindi rin umano sila mabigyan ng permit ng kasalukuyang mayor na anak ng dating alkalde.

Idinagdag pa nito na mas pinaboran ng dating alkalde ang mga colorum na PUV sa Rodriguez.

Napag-alaman na ipinatawag sa munisipyo ang transport group, HOA, mga estudyante at iba’t ibang grupo sa bayan ng Rodriguez para lumagda sa isang manipesto na nagsasaad na hindi sangkot sa droga ang mag-amang Hernandez. TJ DELOS REYES

 

194

Related posts

Leave a Comment