EX-MAYOR MABILOG NAIYAK SA KARANASAN KAY DU30

EMOSYUNAL na inilahad ni dating Iloilo City Mayor Jed Mabilog sa pagharap nito sa Quad Committee ng Kamara ang karanasan kay dating Pangulong Rodrigo Duterte dahil lamang umano sa pulitika.

Sa kanyang opening statement, sinabi ng alkalde na nagtaka siya kung bakit isinama siya sa PRRD (president Rodrigo Roa Duterte) list gayung mismong ang Philippine National Police (PNP) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang nagpatotoo aniya sa ilang pagkakataon na wala siyang kinalaman sa ilegal na droga.

“Since the announcement of my inclusion in this list, I was subjected to repeated threats to my life. Former President Duterte publicly singled me out numerous times, calling me a drug protector and warning that he would “get rid of me.” These threats were deeply alarming, considering the many extrajudicial killings that occurred under his administration in relation to his so-called war on drugs,” ani Mabilog.

Namuhay aniya siya nang may takot hindi lamang sa kanyang sarili kundi sa kanyang pamilya. Paglalahad pa niya, noong Agosto 28, 2017 ay nakatanggap siya ng tawag mula sa dating PNP Regional Director Bernardo Diaz na makipagkita siya kay dating PNP Chief Ronald Dela Rosa sa Camp Crame kaya kinabukasan ay lumuwas siya.

Unang itinakda umano ang pakikipagkita ni Mabilog kay Dela Rosa, umaga ng Agosto 29, subalit habang nasa airport ay nakatanggap ito ng tawag na inurong ang meeting ng alas-tres ng hapon, na naging alas dos ng hapon at isa pang tawag ang natanggap nito na alas-sais na ng gabi ang meeting.

Subalit, bago aniya ito ay isang PNP Colonel ang tumawag sa kanya para sabihan siya na huwag tumuloy sa Crame dahil nanganganib ang kanyang buhay habang nakatanggap naman umano ng text message ang kanyang misis na si Marivic mula sa asawa ng isa pang Police Colonel na nagsasabing “Do not proceed. There are twenty (20) men surrounding your house, and if you go to Camp Crame, they will kill you.”

“The terror was paralyzing. I couldn’t believe it—my life was hanging by a thread,” ani Mabilog kaya kinabukasan, Agosto 30, 2017 ay lumipad ito patungong Japan. Kasunod nito nakatanggap raw siya ng text message na pinatatawagan ang isang numero.

Gayunpaman, pagkatapos nilang mag-usap ni Dela Rosa, isang Police General ang tumawag sa kanya para sabihan siyang huwag bumalik sa Pilipinas dahil nanganganib ang kanyang buhay.

Kaya mula sa Japan ay pumunta ito sa United States (US) kung saan nakakuha ito ng political asylum.

Hindi sinabi ni Mabilog kung sino ang dating senador at presidential candidate na nais umano ni Duterte na isabit sa illegal drug trade sa bansa subalit kalaunan ay inamin nito na si dating Sen. Mar Roxas ang kanyang tinutukoy. (BERNARD TAGUINOD)

25

Related posts

Leave a Comment