Extreme heat index basehan ng direktiba ni Mayor Joy KLASE SA QC PINAIGSI BILANG PROTEKSYON SA MGA ESTUDYANTE

(JOEL AMONGO)

SA hangaring tiyakin ligtas ang mga mag-aaral sa gitna ng peligrong dala ng sukdulang init na dala ng panahon, nagpasya ang Quezon City government na agad ipatupad ang mga pagbabago sa learning modality sa mga paaralang nakabase sa naturang lungsod.

Sa kumpas ni Quezon City Mayor Joy Belmonte, inatasan din ang iba pang tanggapan ng pamahalaang lungsod na tugunan ang mga pangangailangan ng mga paaralan bilang proteksyon sa hanay ng mga guro.

Ayon kay Belmonte, higit na angkop na tiyakin ang kaligtasan ng mga kabataang inilarawan ng alkalde bilang pag-asa ng kinabukasan, sa paraang hindi mabababalam ang klase sa eskwela.

Partikular na tinukoy ng alkalde ang kautusan ng Department of Education (DepEd) na nagbibigay laya sa pamunuan ng eskwelahan at lokal na pamahalaan na bumalangkas ng mga panuntunang pasok sa kategorya ng modular distance learning.

Tugon ng Quezon City government – pinaigsing klase sa mga pampublikong paaralan sa nasasakupang lungsod. Para sa mga pang-umaga, mag-umpisa ang klase sa hudyat ng alas 6:00 AM at magtatapos pagsapit ng 10:30 ng umaga. Mula alas 2:00 ng hapon hanggang alas 6:30 PM naman sa mga panghapon.

“Our utmost priority will always be the welfare of our children. Since the summer heat is too much to bear, especially in classrooms, we welcome the implementation of blended, modular, or shortened class periods for public schools,” ani Belmonte.

Bagamat may basbas ng DepEd, pinaalalahanan ni Belmonte ang pamunuan ng mga pampublikong paaralan sa lungsod na tupdin ang mga probisyon sa ilalim ng Department Memorandum Circular – ang lingguhang pag-uulat sa DepEd ng sitwasyon sa mga public schools sa Quezon City.

Bago pa man lumabas ang direktiba ng DepEd, nakapagtala ng mga kaso ng pagdurugo ng ilong, pagkahilo at dehydration (bunsod ng matinding init) sa hanay ng mga estudyante habang nagkaklase sa paaralan.

Para sa unang linggo ng Mayo, dalawang sa 95 paaralang elementarya ang nagpapatupad ng print modular learning system, habang 13 naman ang pinili ang blended-learning modality at 10 naman ang pinaigsi na lamang ang oras ng klase sa loob ng mga silid-aralan.

Sa 63 secondary schools, dalawa ang piniling magpatupad ng print modular learning system, habang 26 naman ang nasa blended learning at walong paaralan naman ang may shortened class periods.

Paglilinaw ni Belmonte, ang pagpapasaya sa learning modality na ipinatutupad sa mga paaralan sa Quezon City ay batay sa napagkasunduan sa mga idinaos na konsultasyon.

143

Related posts

Leave a Comment