F1 INUNA KESA KRISIS SA BIGAS

MISTULANG binigyang-halaga pa ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang panonood ng F1 race sa halip na unahin ang lumalalang krisis sa bigas sa bansa.

“Nakuha pa ng Pangulo na magliwaliw at maglamyerda habang nasa gitna ng krisis ang bansa. Lalong napatunayan na wala siyang pakialam at pakiramdam para sa ordinaryong mamamayan na nahihirapan dahil sa mga taas-presyo. Ganito rin ang ginawa niya noong isang taon na patakas na pumunta sa Singapore habang sinalanta ng superbagyo ang mga magsasaka,” pahayag ni KMP chairman emeritus Rafael Mariano.

Bumiyahe patungong Singapore si Marcos nitong Miyerkoles para dumalo sa 10th Asian Conference sa Singapore.

Sa harap ng mga business leaders at economic managers, tatalakayin niya ang mga priority policy at programa ng bansa sa 30 minute talk na tinatawag na “A Conversation with the President of the Republic of the Philippines.”

Kasabay nito, inimbitahan din ni Singaporean Prime Minister Lee Hsien Loong si Marcos na manood ng Formula One Grand Prix 2023.

Kabilang din sa kanyang aktibidad sa Singapore, ang pakikipagpulong sa mga pinuno ng negosyo “upang palakasin ang ugnayang pang-ekonomiya at higit pang patatagin ang posibleng pakikipagsosyo sa pagitan ng dalawang ekonomiya sa mga piling industriya.”

Magsasalita rin ang Punong Ministro ng Malaysia na si Anwar Ibrahim sa taunang pagtitipon.

Inaasahang tatalakayin ng summit ang mga isyu tungkol sa kapayapaan at katatagan, hindi pagkakapantay-pantay, pagkakaiba sa kultura, at hindi na mapananauli na pinsala sa kapaligiran.

(BERNARD TAGUINOD/CHRISTIAN DALE)

153

Related posts

Leave a Comment