IMINUNGKAHI ni Senate Minority Leader Koko Pimentel na suspendihin muna ang face-to-face classes kung hindi na komportable at protektado ang kalusugan ng mga mag-aaral, mga guro at school personnel sa gitna ng nararanasan na napakainit na panahon.
Idinagdag ni Pimentel na ilan pa sa maaaring gawin ay iwasan muna ang outdoor activities ng mga estudyante at tiyakin na maayos ang bentilasyon sa mga silid-aralan.
Dapat anyang may mga electric fan at may espasyo sa pagitan ng mga estudyante para hindi overcrowded o hindi siksikan.
Kung sadyang hindi kakayanin ang init, maaari namang magpatupad muna ng online o modular mode of learning.
Una nang binigyang-diin ng Dept. of Education na may otoridad ang school authorities na suspindihin ang in-person classes para mapangalagaan ang kalusugan ng kanilang mga estudyante at mga staff sa gitna ng napakainit na panahon.
Magandang ideya rin para kay Pimentel na ikonsidera ng pamahalaan ang pagbabalik sa dating school calendar kung saan tuwing summer ang bakasyon ng mga estudyante.
Ito ay dahil ang mga pampublikong paaralan ay hindi fully equipped para matugunan ang napakainit na panahon na nararanasan kapag dry season.
Sinabi naman ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na masusing pinag-aaralan ng pamahalaan na ibalik sa buwan ng Marso ang bakasyon sa eskwela ng mga estudyante.
Sa isang radio interview sa programa ni dating DSWD Secretary Erwin Tulfo nitong Lunes, tinanong si Pangulong Marcos kung ibabalik ba nito ang school vacation sa Marso sa halip na gawin ito mula Hunyo hanggang Hulyo.
Kung matatandaan, in-adjust ang buwan ng school vacation dahil sa COVID-19 pandemic.
“Pinag-aaralan natin nang mabuti ‘yan dahil nga marami ngang nagsasabi pwede na, tapos na ‘yung lockdown. Karamihan na ng eskwela, face-to-face na, kaunti na lang ‘yung hindi na,” ayon kay Pangulong Marcos.
“‘Yung ating ginagawa na sistema na hybrid system na mayroong pumapasok, mayroong nagzo-zoom o kung anong klaseng pag-promote na pag-attendance, ay lahat gusto talaga na makapag-attend dahil iba talaga ‘yan,” dagdag na pahayag ng Chief Executive. (DANG SAMSON-GARCIA/CHRISTIAN DALE)
