FAELDON PINASISIBAK  SA PALPAK SA BUCOR

(NI ESTONG REYES)

HINILING ni Senate President Vicente Sotto III na balasahin ang Bureau of Corrections (BuCor) na pinamumunuan ni dating Customs Commissioner Nicanor Faeldon matapos lumaya ang mga kriminal na nahatulan sa heinous crimes.

Sa kanyang tweets, sinabi ni Sotto na marapat nang magkaroon ng sibakan sa BuCor na lubha nang umiinit ang kontrobersiya sa ahensiya kabilang ang pagpalaya sa mga convicted drug lords, rapists, murderer at iba pang krimen na disqualified sa paghingi ng parole.

Ayon kay Sotto, may ulat na nilagdaan ni Faeldon ang release papers ng apat na Chinese drug lords na nasa kustodiya ngayon ng Bureau of Immigration (BI) na nakatakdang ipatapon pabalik ng China, at convicted rapist-murderer Antonio Sanchez.

Pinabulaanan ni Faeldon ang paratang na ang pumatay sa Chiong Sisters ay nakalaya nitong nakaraang Hunyo, ayon kay Senador Panfilo Lacson ngunit walang maipakitang “proof of life” ang hepe ng BuCor.

“PRRD (President Rodrigo Roa Duterte) must revamp the entire officialdom of the BuCor. This travesty of Justice is condemnable!” ayon sa tweet ni Sotto.

Naunang ibinulgar ni Lacson na pinirmahan at pinalaya ni Faeldon ang apat na convicted Chinese drug lords at si Sanchez gamit ang pagtutuos sa good conduct time allowance (GCTA) na pinaikli o binawasan ang hatol kapag may mabuting gawain sa loob ng kulungan.

Umalma ang taumbayan sa pagpapalaya kay Sanchez na gumahasa at pumatay kay Aillen Sarmenta at pumatay din kay Allan Gomez, kapwa estudyante ng University of the Philippines Los Banos, Laguna.

Hindi binanggit ni Sotto ang pangalan ni Faeldon sa serye ng tweet nito saka nagsabing: “Bakit lahat ng malipatan nitong official na ito may iskandalo? Saan kaya sya sunod ililipat?”

Samantala, nagpahayag ng pagtataka si Senador Win Gatchalian kung bakit nasa gobyerno pa si Faeldon sa kabila ng dambuhalang anomalyang kinasasangkutan nito, kabilang pagpuslit ng P6.4 bilyong halaga ng shabu sa Aduana at nabukong pagpalaya kay Sanchez.

“I don’t know what to say sa galit ko! Pinalabas ni Faeldon ang P6.4 worth of illegal drugs sa BOC, ngayon naman, pinalabas niya isang rapist sa BuCor. Bakit na sa gobyerno pa itong tao na ito,” ayon sa tweet ni Gatchalian.

 

150

Related posts

Leave a Comment