(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)
UMAAPELA ng patas na imbestigasyon sa Ombudsman ang 40 mula sa 43 barangay chairmen ng bayan ng Mexico, Pampanga kaugnay ng graft case na inihain laban kay Third District Representative Aurelio “Dong” Gonzales, Jr.
Sa pangunguna ng pangulo ng asosasyon ng mga punong barangay na si Terrence Napao ng Barangay Sto. Cristo, inilahad ng grupo ang kanilang apela sa isinagawang Balitaan at Talakayan forum sa Central Luzon Media Association – Pampanga chapter sa lungsod na ito.
Si Napao rin ang complainant sa kasong graft na inihain laban sa Pampanga solon sa Office of the Ombudsman noong Setyembre 7.
Sa reklamo ni Napao, malinaw na may “conflict of interest” sa serbisyo publiko ang ang awarding ng tatlong public infrastructure projects na nagkakahalaga ng mahigit P611 million sa construction firm ng pamilya Gonzales.
“Sana po umusad ang kaso. Nakikiusap po kami na sana maging fair and square ang laban dahil ito po ay hindi para sa akin o sa barangay ko lang. Laban po ito ng Pampanga at ng tersera distrito,” pahayag ni Napao sa nasabing forum.
Sinabi ni Napao, ang kanyang complaint documents mula sa Department of Public Works and Highways ang magpapatunay na ang A. D. Gonzales Jr. Construction and Trading ay pag-aari ng pamilya ng mambabatas.
Sinabi rin ng ABC president na ang kumpanya ng mambabatas ang nanalo sa three flood-control projects na nagkakahalaga ng mahigit P200-million bawat isa.
“Malalaking proyekto po ito at hindi biro, at ilan lang po ito sa mga projects niya dito sa third district kaya dapat ay malaman ng publiko itong problemang ito at sana ay maging patas po ang Ombudsman sa pag-imbestiga dito,” pahayag pa ni Napao.
Aniya pa, hihingi siya ng tulong kay dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo upang masilip ang kaso sa House of the Representatives at sa Senado.
