(NI AMIHAN SABILLO)
KINONDENA ng Philippine Army ang pagpapakalat ng NPA ng fake news na umano’y may naganap na engkwentro sa General Nakar, Quezon noong Biyernes.
Ito ay makaraang iulat ni NPA Southern Tagalog spokesperson Eliza dela Guerra na lima umanong sundalo ang mamatay nang tambangan ng NPA ang grupo ng 50 sundalo at pulis na nagpapatrulya sa Brgy. Lumutan sa naturang bayan.
Ayon kay Brigadier General Arnulfo Marcelo Burgos Jr, Commander ng Philippine Army’s 2nd Infantry (Jungle Fighter) Division, mayroon ngang naganap na engkwentro pero walang casualties sa panig ng gobyerno.
Sa katunayan umano, ang NPA pa ang nagtamo ng mga sugatan base sa mga bahid ng dugo sa dinaanan ng mga kalaban sa kanilang pagtakas.
Tinuligsa ni Burgos ang NPA sa kanilang pagpapakalat ng maling impormasyon sa media para isulong ang kanilang propaganda.
Dagdag ni Burgos, propaganda ang ginagamit ng NPA para i-destabilisa ang pamahalaan at maka-recruit ng kabataan at mga katutubo.