FB GLITCHES IPINAUBAYA NG MALAKANYANG SA NPC, NBI

IPINAUBAYA na ng Malakanyang sa National Privacy Commission (NPC) at National Bureau of Investigation ang pag- iimbestiga sa napaulat na pagsulpot ng mga peke at duplicate na Facebook account ng ilang estudyante, mamamahayag at maging mga pribadong indibidwal kasunod ng mga protesta laban sa anti-terror bill.

Sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque na ipinagbabawal at pinarurusahan sa ilalim ng Cybercrimes Act ang mapatutunayang nasa likod ng usaping ito.

“sapat po na ang ating Privacy Commission is investigating the matter and I think the NBI is also investigating this matter dahil iyong pagbubuo po ng fake accounts, iyan po ay specially prohibited and penalized by the Cybercrimes Act,” ayon kay Sec. Roque.

Sa ulat, may mga estudyante, faculty member at alumni na nagreklamo sa pagkakaroon ng mga duplicate account. Ang mga ito’y mula sa University of the Philippines (UP), Polytechnic University of the Philippines, De La Salle University at University of Santo Tomas, ayon sa mga awtoridad at student publication.

Unang naiulat ang mga pekeng account mula sa UP Cebu, kung saan may ilang protester ang naaresto noong Biyernes dahil sa pagprotesta laban sa anti-terror bill, ayon sa UP Office of the Student Regent.

Tiniyak ng UP na nakikipag-ugnayan na sila sa NPC para tulungan ang mga nabiktima ng fake at dummy accounts.

Nagpaalala rin ang grupong Cybersecurity Philippines na kapag may isyu sa pekeng accounts, agad itong i-report sa NPC.

Maging si Justice Secretary Menardo Guevarra ay nabahala sa mga account.

Ayon sa kalihim, agad niyang aatasan ang cybercrime office ng Department of Justice na makipag-ugnayan sa National Bureau of Investigation at Philippine National Police cybercrime units para imbestigahan ang nangyari.

Samantala, nagsasagawa na ng coordination ang National Privacy Commission (NPC) sa Facebook para imbestigahan ang mga naglipanang dummy at fake accounts sa social media platform.

Ayon kay NPC Commissioner Raymund Liboro, nakatatanggap sila ng reklamo mula sa iba’t ibang sektor lalo na sa academic institutions.

Ipinagbigay na nila ang mga ulat kay Clare Amador, Facebook Representative sa Pilipinas.

Sinisilip na aniya ng Facebook ang mga ulat maging ang iba pang impormasyon hinggil sa hindi awtorisadong FB accounts.

Inatasan din ng NPC ang Facebook na maglabas ng findings sa lalong madaling panahon.

Samantala, pinayuhan ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang publiko na ilagay ang kanilang Facebook account sa private at i-review muli ang kanilang security at privacy settings, at i-report ang mga blangko, doble at pekeng accounts.

Sinimulan na ng Facebook ang pagtatanggal sa pekeng accounts sa Pilipinas. CHRISTIAN DALE

77

Related posts

Leave a Comment