(NI ROSE PULGAR)
KINOKONSIDERA ng Food and Drug Administration (FDA) na walang panganib sa kalusugan ang mga ibinebentang ukay–ukay sa bansa sa kabila ng batas na ipinagbabawal ang importasyon at pagbebenta nito.
Ito rin ang pananaw ni Trade and Industry (DTI) Secretary Ramon Lopez .
Ayon kay Lopez marahil ay panahon na para amyendahan ang batas ukol dito dahil bukod sa walang banta ng panganib sa kalusugan ay tinatangkilik pa ito ng karamihan ng mga mahihirap na kababayan.
Magugunitang noong 1966 pa ay may batas na nagbabawal sa importasyon ng mga segunda manong damit at kagamitan para ibenta.
Nakasaad sa Republic Act (RA) 4653 na delikado umano sa kalusugan ang mga segunda manong damit o ukay ukay.
Karamihan umano sa mga ibinebentang ukay- ukay ay mula sa Korea, Hongkong ,Thailand ,Japan at China na ipinapuslit papasok ng bansa.
Ayon naman kay DoH Usec Eric Domingo, hindi mapanganib sa kalusugan ang segunda manong damit basta’t lalabhan lamang nang mabuti.
Samantala may nakabimbin nang panukalang batas para gawing legal ang pag-aangkat ng segunda manong mga damit na ibinebenta sa mga ukay-ukay.
397