FIRE TRUCKS ANOMALY BUBUSISIIN DIN NG DILG

IIMBESTIGAHAN ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang di umano’y “restrictive” bidding process ng Bureau of Fire Protection (BFP) para sa fire trucks nito.

Nauna nang naghain ang Makabayan Bloc ng batas na nananawagan ng imbestigasyon sa procurement proces sa BFP, sabay sabing ang “restrictive procurement process practically gives undue advantage since 2018 to only two joint venture entities.”

“Gagawain po namin ngayon, ko-conduct kami ng sarili naming investigation para malaman namin kung anong mga nangyari nung nakaraan, and sa ngayon po naman, mayroon pong mga complaints o charges na nai-file sa Ombudsman,” ayon kay DILG Undersecretary for Public Safety Serafin Barretto Jr.

Ani Barretto, inihain ang reklamo laban sa BFP at sa Bids and Awards Committee members nito subalit hindi na pinalawig pa kung sinong mga opisyal ang sinampahan ng kaso at kung anong kaso ang inihain laban sa kanila.

Wala rin siyang ideya kung sino ang naghain ng reklamo kanino.

At dahil ang BFP ay nasa ilalim ng hurisdiksyon ng DILG, sinabi ni Barreto na nakikipag-ugnayan na sila sa bureau ukol sa usapin.

“Sinasabi nila na legal ang kanilang mga process dahil independent procuring entity naman talaga sila,” ang wika ni Barretto.

Nauna rito, hiniling ng Makabayan Bloc sa House committee on good government and public accountability na maimbestigahan ang kuwestyunableng bidding process sa pagbili ng firetruck ng BFP.

Sa House Resolution No. 10 na inihain ng Makabayan Bloc, ipinunto nito na nagpatupad ng limitasyon ang BFP kaya ang naging resulta ay dalawang kumpanya lamang ang nakalahok sa bidding. (CHRISTIAN DALE)

55

Related posts

Leave a Comment