POSIBLENG maging wise investment ang paglalaan ng confidential fund sa Department of Agriculture sa susunod na taon.
Ito ang inihayag ni Senate Committee on Finance Chairman Sonny Angara na umaming ito ang unang pagkakataon na may alokasyon para sa P50 million confidential fund ang ahensya na gagamitin para palakasin ang paglaban sa smuggling.
Ayon kay Angara, kahit sa mga nakaraang pagdinig sa budget ay wala siyang maalala na may ipinanukalang ganito subalit tiniyak na daraan ito sa matinding debate sa Senado.
Sinabi ni Angara na posibleng maging wise investment sa bahagi ng gobyerno ang paglalaan ng budget para sa paglaban sa agri-smuggling sa ilalim ng ahensya lalo’t ang pinag-uusapan ay hundreds of billions o tens of billions na halaga.
Kasabay nito, tiniyak ni Angara na hindi nila papayagang magkaroon ng multiple entries ng mga proyekto sa ilalim ng 2024 national budget.
Ginawa ni Angara ang pangako kasunod ng pahayag ni dating Senator Ping Lacson na sa ilalim ng 2023 General Appropriations Act, nasa 45 proyekto ang doble hanggang limang beses na nailista ang alokasyon habang sa 2024 National Expenditure Program (NEP), 26 na items naman kaya lumobo ng 109 percent hanggang 328 percent ang mga hindi kinakailangang fund allocations.
Sinabi ni Angara na bahagya nang natalakay sa budget briefing ng Development Budget Coordination Committee (DBCC) ang ilang double entries sa pamamagitan na rin ng pagtatanong ni Senator Alan Peter Cayetano.
Tinukoy ni Cayetano ang double entries sa budget items ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na naaprubahan sa ilalim ng 2023 GAA at sa kabila ng inalis ang mga natukoy na nadoble na pasok na proyekto ay may natira pa ring P2 billion na halaga ng duplicate items sa pambansang pondo.
Bagamat hindi naman nagamit ang sobrang pondo at ito ay naibalik din sa National Treasury, laking panghihinayang naman ni Angara dahil ang pondo ay ipinantustos sana agad sa pagtatayo ng mga dagdag na silid-aralan at kalsada.
Sinabi ni Angara na isa sa napag-usapan na solusyon ay gawing mas high-tech o mas moderno ang pagpoproseso ng entries dahil sa kasalukuyan ay lumang software lang ang gamit at hindi nate-trace ang mga double entry sa budget.
(DANG SAMSON-GARCIA)
118