(NI BERNARD TAGUINOD)
KAILANGANG ilantad ni Pangulong Rodrigo Duterte ang dokumento hinggil sa fishing agreement nilang dalawa ni Chinese President Xi Jinping upang mabusisi at malaman kung naibenta na ang Pilipinas o hindi.
Ginawa nina Bayan Muna party-list Rep. Ferdie Gaite at Carlos Zarate ang hamon matapos sabihin ni Duterte na kaya pinapayagan nito ang mga Chinese na mangisda sa Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas ay dahil bahagi ito ng fishing agreement nilang dalawa ng Chinese President upang payagan ang mga mangingisdang Filipino na mangisda sa Scarborough Shaol.
“Baka maya-maya ay kung ano pang deal ang pinagkasunduan nila at naibenta na pala ng buo ang Pilipinas ay di pa natin alam.Kaya dapat tayong mas maging mapagbantay sa isyung ito,” ani Gaite.
Sinabi naman ni Zarate na “di uubra na verbal agreement lang ito sa pagitan ni Pres.Duterte at Xi Jinping dahil ang ganung mga agreement ay dapat nakasulat para transparent at may accountability para dito”.
Dahil dito, kailangan makita, aniya, ng taumbayan ang kasunduang ito dahil hindi lang ang likas na yaman ang nakataya sa usapin kundi ang soberenya ng Pilipinas.
Pero ayon kay Gaite, totoo man o hindi ang pahayag na ito ng Pangulo ay labag pa rin ito sa Konstitusyon dahil walang dapat, aniyang, makinabang sa likas na yaman sa EEZ kundi ang mga Filipino lamang.
Maliban dito, sinabi ng mambabatas na bahagi ng teritoryo ng Pilipinas ang Scarborough shoal na ginamit ng Pangulo na pag-deal sa China para makapangisda ang kanilang mamamayan sa ating territorial water.
112