FOOD DELIVERY RIDERS PROTEKSYUNAN

INILARAWAN ni Senator Joel Villanueva bilang “essential frontliners” ang mga food courier na malaki ang naitulong sa paghahatid ng serbisyo sa mamamayan at isang malaking kabalintunaan kung sila ay “hahayaang mamuhay sa kakarampot na kita” kapalit ng kanilang sakripisyo.

Nanawagan si Villanueva sa Department of Labor and Employment (DOLE) na maglabas ng mga panuntunan para siguruhin ang proteksyon at tamang kita ng mga food rider at iba pang freelance workers habang binabalangkas ang mga panukala para sa kapakanan nila.

“Ang sitwasyon ng mga negosyo sa panahon ng pandemya ay nagresulta sa mas maraming freelancers tulad po ng ating mga riders. Dapat pong hagip ng ating mga batas ang mga makabagong work arrangements. Kaya po ang aksyon natin sa Senado ay isulong ang freelance workers protection bill at ang digital workforce competitiveness bill,” ani Villanueva, chair ng Senate labor committee.

“Maaari pong atasan ng pangulo ang DOLE na maglabas ng mga patakaran na gumagarantiya sa karapatan at kapakanan ng mga food delivery rider at mga manggagawang nasa gig economy,” dagdag pa niya. “Habang binabalangkas ang batas, isang department order mula sa DOLE o isang Executive Order mula sa pangulo ay makapagbibigay ng dagliang ginhawa sa ating mga manggagawa.”

Nasa plenaryo ng Senado ang Freelance Workers Protection bill, o Senate Bill No. 1810, na naglalayong balangkasin ang uri ng mga manggagawang kikilalanin sa ilalim ng isang freelance arrangement, kabilang ang food couriers at delivery riders. (ESTONG REYES)

44

Related posts

Leave a Comment