(NI FROILAN MORALLOS)
NAGBABALA si Jaime Morente Commissioner ng Bureau of Immigration (BI) sa lahat ng mga dayuhan na iwasan sumali sa mga political activity sa bansa , partikular sa nalalapit na State of the nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte .
Sinabi ni Morente na ito ay paulit-ulit nang reminder sa naturang prohibition upang hindi na maulit ang nangyaring insidente noong mga nakaraang administrasyon na ilan sa mga foreigner ang naipa-deport nang sumali ang mga ito sa mga protesta at mass action.
Aniya ang kautusan ay bilang warning sa mga dayuhan para maiwasan muli ang mga pangyayari na humantong sa deportation sa ilang foreigner na sumali sa mass protest laban sa pamahalaan.
Dagdag pa nito, ang mga turista o mga dayuhan ay walang karapatan na sumali sa mga demonstration , sapagkat ito ay isang pagpapakita sa kawalan ng respeto sa otoridad o pakikialam sa internal affairs ng Pilipinas.
Noong 2013, isang Dutch citizen na si Thomas van Beersum at Canadian student Kim Chatillom Miller ay ipina-deport dahil sumali ang mga ito sa anti-SONA rally .
Maging si Patricia Fox na isang Australian nun ay hindi na pinayagan ng Bureau of Immigration sa kanyang renewal ng kanyang visa dahil nilabag nito ang kondisyong ipinagkaloob sa kanya ng pamahalaan dahil sa pagsali sa mass action , habang sina Zimbabwean Tawanda Chandiwana, American Adam Thomas Shaw, at Malawian Miracle Osman ay ipina-deport dahil sa pagsali sa leftist activities noong taon 2018.
Ipinagbababwal sa ilalim ng BI Operations Order No. SBM-2015-025 , sa mga foreigners na sumali sa political activities habang naririto sila sa bansa.
114