GAGAMITIN SA CASINO? P6-B CASH IDINAAN SA NAIA

(NI ABBY MENDOZA)

IBINUNYAG ni ACT CIS Rep. Eric Yap na may P6 bilyong cash ang pumasok sa bansa mula sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa pagitan lamang ng buwan ng Seyembre hanggang Oktubre na nanggaling sa Hongkong at Singapore.

Ayon kay Yap, male-maleta nang dumating ang mga pera na ang may bitbit ay mga Pinoy base na rin sa kanilang mga pasaporte, nang tanungin ay gagamitin umano ito sa casino.

Sinabi ni Yap na walang batas na nagbabawal magpasok ng malaking halaga sa bansa basta lamang ideklara ito.

Nangangamba ang mambabatas na ang loopholes na ito ay samantalahin ng ilang grupo at dahil hindi namomonitor kung saan dinadala ang malaking pera na pumapasok sa bansa ay maaaring gamitin ito para pondohan ang destabilisasyon at terorismo.

Ani Yap, hindi sya naniniwala na sa casino gagamitin ang malaking cash na dumating sa bansa dahil mayroon namang patakaran ang mga casino companies na junket operation kung saan ang mga players na may dalang pera ay kanilang sinerbisyuhan at hindi na kailangang magdala ng male-maletang cash sa airport.

Sa pag-iimbestiga ni Yap, lumilitaw na mga dummy o mule lamang ang mga Pinoy na may dala ng pera, sa 6 hanggang 8 pagkakataon na nagpasok ito ng malaking halaga sa NAIA sa loob ng 2 buwan ay nabatid na magkakaiba ang pangalan ng mga ito subalit iisa lamang ang apelyido.

“Ang tanong ay para kanino yung pera, dahil siguradong hindi ito dun sa mga Filipino na may dala ng cash dahil unang una ay bakit nasa economy class lang sila sumakay. Kung negosyante ito o may ari ng pera bakit hindi bank to bank transactions, bakit bibitbitin sa airport na may posibilidad na manakaw o mawala,” paliwanag ni Yap kung saan naniniwala ito na may piniling bitbitin ang pera at hindi idaan sa bangko para walang paper trail.

Nilinaw ni Yap na hindi siya tutol sa pagpasok ng malalaking halaga ng pera sa bansa dahil makatutulong ito sa ekonomiya ng bansa dahil maaaring gagamitin ang pera sa negosyo o pagbili ng mga properties subalit ang kanya umanong ikinababahala ay maaaring dahil sa maluwag ang batas at hindi namomonitor ang ganitong pagpasok ng bilyon-bilyong halaga ng pera ay maaaring magamit ito sa iba gaya na lang sa terorismo.

“Kapag nai-declare kasi sa airport yung dalang pera wala na, hindi na natin alam kung saan ito napunta, saan gagastusin at kung ano ba ang background ng may dala nito, ito yung loopholes ng batas na ating sosolusyunan,” pahayag ni Yap na nakatakdang maghain ng panukalang batas sa Kamara na naglalayong busisiin pa ng Bureau of Customs(BoC) ang ganitong pagpasok ng malalaking halaga sa bansa at hindi limitahan lamang sa pagdedeklara na may dalang cash.

Aminado si Yap na matagal pa bago maipasa ang batas para dito kaya naman habang wala pang batas ukol dito ay inirekomenda niya sa BoC na magkaroon ng guidelines para mamonitor ang ganitong mga kaso.

Nais din ni Yap na makipag ugnayan ang BoC sa kanilang mga counterpart partikular sa mga bansa kung saan nanggaling ang malaking halaga upang mavalidate ang pinagmulan ng pera.

Hiniling din ng mambabatas sa BoC na magsumite ng report kung ilang pagkakataon na nangyari ang ganitong pagpasok ng pera ngayong taon at gaano ito kadalas na mangyari.

340

Related posts

Leave a Comment