MISTULANG walang epekto sa Manila Water at Maynilad ang galit ni Pangulong Rodrigo Duterte dahil hindi pa rin nagbabago ang kanilang serbisyo at mahal pa rin ang singil ng mga ito sa tubig.
Ganito ang paniniwala ni Bayan Muna chairman at dating Congressman Neri Colmenares, matapos umanong hindi maramdaman ng mga consumer sa Metro Manila ang pagbabago sa serbisyo ng mga kumpanyang ito ng tubig.
“Well, sa ngayon, expect na binili na ang shares ng Ayala (sa Manila Water), wala pa ring pagbabago sa serbisyo. Marami pa rin ang nagrereklamo na mahina ang serbisyo,” ani Colmenares sa panayam ng Saksi Ngayon sa Kamara.
“Both of them (Manila Water at Maynilad) marami ang nagrereklamo sa (kanilang) serbiyo. Para sa akin, hindi na-solve ang problem despite na attack of the President,” ayon pa sa dating mambabatas.
Indikasyon umano ito na walang epekto sa Manila Water at Maynilad ang galit ng Pangulo sa mga Ayala at kay Manny V. Pangilinan, na may-ari ng mga nabanggit na kumpanya, dahil sa mga onerous provision sa water concession agreement.
“Parang inaatake lang (ng Pangulo) pero wala namang aktuwal na solusyon,” ayon pa sa mambabatas dahil bukod sa mahina pa rin ang tulo ng tubig sa mga gripo ay hindi pa rin nareresolba ang usapin sa water treatment facilities.
Patuloy rin umanong ipinapasa ng mga water concessionaire na ito ang kanilang buwis tulad ng income at corporate tax sa mga consumer at naniningil pa rin ang mga ito ng sewage fees.
Hindi rin umano inaayos ng Manila Water at Maynilad ang leakage sa kanilang tubo para masiguro na walang nasasayang na tubig at hindi na kailangan ang panibagong dam na babayaran din ng mga consumer tulad ng Kaliwa Dam na uutangin sa China.
Sinabi ni Colmenares na umaabot na sa 800 MLD (million liters per day) ang nawawalang tubig dahil sa mga sirang tubo ng Manila Water at Maynilad pero hindi pa rin inaayos ng mga ito ang nasabing problema kahit galit na sa kanila ang Pangulo.
“So wala pa ring pagbabago despite the attack of the President. Anong tawag mo doon?” ayon pa kay Colmenares. BERNARD TAGUINOD
187