GARIN NAKIPAGBATI KAY ACOSTA SA DENGVAXIA CONTROVERSY

(NI BERNARD TAGUINOD)

SA ngalan ng Diwa ng Pasko, nakikipagbati si dating Health secretary at ngayo’y Iloilo Rep. Janette Garin kina Public Attorney’s Office (PAO) Chief Persida Acosta at  PAO forensic chief Dr. Anthony Efre.

Ginawa ni Garin ang pahayag sa press conference ng minority bloc sa Kamara nitong Miyerkoles sa Kamara kasabay ng panawagan sa publiko na maghinay-hinay sa pagkain upang hindi maikompromisyo ang kalusugan ngayong Holiday season at patawarin ang mga kaaway.

“For that, please allow me to extend my hands for reconciliation kay Percida Acosta, kay Dr. Efre. Alam ko po na hindi kami nagkakasundo dahil kami ay sumasandal sa siyensa, sila naman ay iba ang kanilang sinasandalan,” ani Garin

Si Acosta ay kilalang kritiko ng Dengvaxia na inimplementa ng nakaraang administrasyon lalo sa panahon ni Garin sa DOH na naging dahilan ng pagkamatay diumano ng mga batang nabigyan ng nasabing bakuna kontra dengue.

Hindi lingid sa lahat na si Acosta ang nangunguna sa pagsasampa ng kaso laban sa grupo ni Garin subalit 7 na umano sa mga kaso ang ibinasura na ng Korte subalit patuloy pa ang pagsasampa ng PAO chief.

Inamin ni Garin na masyadong abala sa kanila ang mga kasong isinasampa ni Acosta at pinaninindigan na hindi masama ang dengvaxia at hindi umano ang nasabing bakuna ang dahilan ng pagkamatay ng mga batang nabakunahan.

“But end of the day, peace on earth. We all have to think that we all have one direction and that is to produce a healthy community and to produce things that will benefit the future generation especially our children,” ayon pa kay Garin.

Gayunpaman, umaasa ang mambabatas na tuluyang maibasura ang lahat ng kasong isinasampa sa kanila ay dumating ang panahon na maliwanagan ang mga kontra sa nasabing bakuna dahil mahalaga ito para mailigtas ang mga bata sa nakakamatay na dengue.

142

Related posts

Leave a Comment