GARMA PUMUSLIT PA-US, ARESTADO KASAMA ANAK

HINDI pa man nag-iinit ang mga paa sa lupain ni Uncle Sam sa Amerika, nasakote na ang mag-inang Garma na palihim umanong lumabas ng Pilipinas kamakailan.

Dahil dito, minamadali na ng Department of Justice (DOJ) ang pagpapabalik sa bansa kina dating PCSO Chairman at Police Colonel Royina Garma at anak nitong si Angelica Garma Vilela na naaresto ng mga otoridad sa San Francisco, California nitong November 7, 2024.

Kasunod ito ng report ng Philippine National Police (PNP) at Department of the Interior and Local Government (DILG) na nasa mga kamay na ng mga otoridad sa US ang dalawa.

Kaugnay nito, sinabi Justice Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla na inatasan na niya si Immigration Commissioner Joel Viado na madaliin ang proseso upang maibalik ang dating PCSO Chief sa Pilipinas.

Umaasa ang DOJ na sa kabila ng pagkakatanggal ng contempt order ng Kamara kay Garma ay makikiisa pa rin ang dating PCSO chief sa imbestigasyon ng pamahalaan.

Sinabi ni Remulla na suportado ng kagawaran ang law enforcement ng pamahalaan upang manaig ang katarungan at kaukulang batas.

Hindi Alam Ng Quadcom

Kaugnay nito, wala umanong ideya ang lead chairman ng Quad committee na si Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers na nakaalis na ng bansa si Garma.

Sa press conference kahapon, mistulang hindi nabahala si Barbers kasama ang co-chairmen nito na sina Sta. Rosa Laguna Rep. Dan Fernandez at Manila Rep. Bienvenido Abante Jr., sa impormasyon na nakaalis na ng bansa si Garma.

“We have no idea kung…nasa bansa ba o nakaalis na? Last hearing (noong November 7) ay nandyan pa siya kasama si Col. Edilberto Leonardo,” pahayag ni Barbers.

Base sa mga impormasyon, umalis si Garma noong November 7 kasama ang anak patungo umano Washington DC sa Estados Unidos.

Noong Oktubre 20 ay natapos na ang contempt order laban sa kanya kaya nakaalis na ito sa kustodiya ng Mababang Kapulungan ng Kongreso.

Ayon kay Barbers, bagama’t tapos na ang imbestigasyon sa kaso ni dating PCSO board secretary at ret. Police General Wesley Barayuga, at sinisimulan na ng Department of Justice (DOJ) ang preliminary investigation, pinayuhan umano nila sina Garma at Leonardo na tiyaking makadalo sa pagdinig kapag inimbitahan muli ang mga ito.

Sina Garma at Leonardo, ay isinabit sa pagpatay kay Barayuga noong July 2022 at maging kaso ng tatlong Chinese nationals pinatay sa Davao Penal Colony noong Agosto 2016 kaya ipinatawag ang mga ito ng Quad comm.

Noong Setyembre 2024 ay nabigong makabiyahe si Garma patungong Los Angeles, California matapos hindi ito pasakayin sa eroplano sa Japan kaya napilitan itong bumalik sa Pilipinas at dumalo Quad comm hearing kung saan inamin nito na totoo ang Davao Death Squad (DDS) reward money sa mga pulis na makakapatay ng mga taong nasa drug list.

Base sa mga report, kasama si Garma sa mga co-accused ni dating pangulong Rodrigo Duterte sa kasong crime against humanity dahil sa war on drugs, hindi lamang sa Davao City kundi sa buong bansa.

Umugong din na posibleng personal na pupunta sa The Hague, Netherland si Garma para maging state witness imbes na maging akusado sa war on drugs. (JULIET PACOT/BERNARD TAGUINOD)

60

Related posts

Leave a Comment