GAT ANDRES MEDICAL CENTER PINAKAMALAKING DIALYSIS CENTER 2024 SA PILIPINAS

HATID-SUNDO ang mga pasyente ng Gat Andres Bonifacio Medical Center na itinuturing ngayong may pinakamalaking dialysis center sa Pilipinas.

Binigyan ng komendasyon ni Manila Mayor Honey Lacuna ang officers at staff ng Gat Andres Bonifacio Medical Center (GABMC) sa pamumuno ni Director Dr. Ted Martin dahil hindi sila tumitigil sa pag-upgrade at pagbibigay ng mahusay na serbisyo sa kanilang nasasakupan.

Ayon kay Lacuna, bilang tahanan ng pinakamalaking dialysis center sa bansa, ang GABMC ay nag-o-operate ng 100 makina na nagbibigay ng libreng dialysis sa mga residente ng Maynila na nangangailangan nito.

“Ang kagandahan dito, ang ating serbisyo ay libre. Maliban pa diyan ay libre ang hatid-sundo ng ating mga pasyente,” pahayag ng alkalde.

Ipinaliwanag ni Lacuna, na isa ring doktor, bawat pasyente ay gumugugol ng apat na oras sa dialysis at pagkatapos nito sila ay makakaramdam ng panghihina at sobrang pagod.

“Sobrang pagod po, kaya minabuti natin na ihatid at sunduin sila sa kanilang mga tahanan nang sa gayon, makakasiguro tayong ligtas silang makakauwi sa kanilang mga tahanan,” ayon pa kay Lacuna.

“Bagama’t primary hospital pa lamang, lahat ng serbisyong ibinibigay nila ay hindi matatawaran,” dagdag ng alkalde kasabay ng papuri niya kay Martin at sa staff nito sa kanilang pagmamalasakit sa kanilang pasyente.

“Patuloy nilang itinataas ang antas ng pagbibigay ng medical services sa kanilang ospital gayundin po sa ating ibang limang ospital sa buong Maynila,” pahayag pa ni Lacuna.

Ang GABMC ay isa sa anim na pagamutan na pinatatakbo ng city government na nagbibigay ng libreng serbisyo medikal sa anim na distrito ng Maynila. Ang GABMC ay naglilingkod sa mga residente ng unang distrito ng Maynila. (JESSE KABEL RUIZ)1

38

Related posts

Leave a Comment