GHOST DELIVERIES NG PHARMALLY BUBUSISIIN

LUMUTANG ang posibilidad ng ghost delivery ng COVID-19 supplies mula sa Pharmally Pharmaceutical Corporation sa Department of Budget and Management.

Sa nagpapatuloy na pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee, sinabi ni CPA Mon Abrea na batay sa kanilang inisyal na pagsisiyasat, walang supporting documents ang sinasabing P3.4 billion delivery ng COVID-19 supplies.

Sa presentasyon ni Abrea sa kabuuang P7.2 billion na purchases, P3.8 billion lamang ang may supporting documents.

Kabilang rito ang P2.9 billion purchases mula sa Evermore, P273 million mula sa Acme Pinnacle at P613 million importations.

Samantala, sa kabuuang deliveries na idineklara ng DBM na P8.8 billion, walang disclosure ng warehousing at delivery ang P4.4 billion na halaga ng masks at PPEs at P2.1 billion ng test kits.
Sinabi ni Senador Richard Gordon na kung walang maipapakitang dokumento ang Pharmally sa mga ito, mapatutunayan na ghost deliveries ang mga ito.

Nagpapanggap
na bayani

Samantala, muling binanatan ni Gordon si Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa patuloy umanong panghaharang sa pagdinig ng Senado hinggil sa iregularidad sa kontrata ng gobyerno sa Pharmally.

Sa ika-16 na pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee, sinabi ni  Gordon na “Kaya tumatagal ang pagdinig ay dahil pinigilan ni Atty. Duterte ang pagdalo ng mga kawani ng gobyerno na mahalaga sa ating imbestigasyon.”

“Sinungaling kayo Mr. Duterte! Kapatid kayo ng magnanakaw kaya nalustay ang pera ng taumbayan. Hindi ako bababa sa lebel ninyo. How dare you to ask for the vote of the Filipino people when you fail them,” dagdag pa ng senador.

“Sabi ninyo, 3-6 months wala na ang droga pero hindi ninyo nagawa. Kaya do not lecture us. Nakakaawa kayo. Pinapakita ninyo na kayo ay hindi talaga dapat maging Pangulo ng Pilipinas,” pagpapatuloy pa ni Gordon.

Tiniyak naman ni Gordon na hindi sila titigil sa kanilang pagsisiyasat hangga’t hindi lumalabas ang katotohanan.

“We will not stop despite your [Mr. Duterte] low level tactics. Wala na kayong ginawa kundi magmura.

Sa mga naniniwala sa inyo, sana buksan na ninyo ang mga mata ninyo,” diin nito.
“Kayo ay isang huwad na nagpapanggap na isang bayani. Binola niyo ang mga tao. Kayo ay nagtatago ng mga nagwawalang hiya sa ating bayan,” giit pa ni Gordon. (DANG SAMSON-GARCIA)

4

Related posts

Leave a Comment