Ginugulo imbestigasyon ng Senado MICHAEL YANG DESPERADO – GORDON

NANINIWALA si Senador Richard Gordon na desperado na ang Chinese businessman at dating presidential economic adviser na si Michael Yang na guluhin ang imbestigasyon ng Senado sa sinasabing kwestyonableng transaksyon sa procurement ng COVID-19 supplies.

Kasunod ito ng paghahain ni Yang ng petisyon sa Korte Suprema na humihiling na ibasura ang arrest orders na ipinalabas ng Senate Blue Ribbon Committee at ang lookout bulletin ng Bureau of Immigration laban sa kanya.

Sa 46 na pahinang petisyon, hiniling ni Yang sa Korte Suprema na ideklarang null and void ang arrest orders na may petsang September 7 at 10 at ang lookout bulletin ng BI.

“Ang pagsampa niya ng kaso sa Korte Suprema ay bahagi ng desperadong tangkang pagpapaikot sa Senate Blue Ribbon Committee sa isinasagawa nitong imbestigasyon sa katiwaliang naganap sa gitna ng pandemya,” saad ni Gordon.

Sinabi ni Gordon na nagpasaklolo si Yang sa Korte Suprema dahil natatakot siyang anomang oras ay dadamputin na siya.

Ipinaalala ng senador na ilang beses nang nagsinungaling si Yang sa imbestigasyon ng Senado partikular ang lokasyon ng kanyang tahanan sa Forbes Park at ang kanyang koneksyon sa Pharmally Pharmaceutical Corporation.

Tinukoy rin ng mambabatas ang hindi paghahain ni Yang ng kanyang income tax return sa business properties sa Davao City.

“Maraming beses nang nagsinungaling si Michael Yang sa Senado. Lumalabas na siya’y takot ngayon lumabas ng kanyang tahanan matapos mahuli ang mga kasamahan sa negosyong sina Linconn Ong, at magkapatid na Mohit at Twinkle Dargani,” paliwanag ni Gordon.

“Sobra-sobra na ang pagbibigay ng Pilipinas. Sa pag-uubos ni Michael Yang sa oras ng Senado at Korte Suprema, marapat alalahanin ang kasabihang ‘He who comes to court must come with clean hands’,” dagdag ng mambabatas.

Tiniyak ni Gordon na poprotektahan nila ang karapatan ng publiko sa halip na isulong pribilehiyo ng isang dayuhan na nagsisinungaling. (DANG SAMSON-GARCIA)

3

Related posts

Leave a Comment