WALA na umanong interes si dating Pangulo at ngayo’y Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo sa Speakership sa Kamara de Representantes kahit sa mga susunod na Kongreso.
Ito ang idineklara ni Arroyo matapos sibakin ito bilang Deputy Speaker kasama si Davao City Rep. Isidro Ungab sa sesyon ng Kamara noong Martes ng gabi, isang araw pagkatapos aprubahan ang House Resolution (HR) 1414 para suportahan si Speaker Martin Romualdez sa gitna umano ng pag-atake ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa kapulungan.
“Some people told me that I was stripped of the ‘Deputy Speaker’ title because I did not sign House Resolution (HR) No. 1414 that express support for the leadership of Speaker Martin Romualdez,” ayon sa social media post ni Arroyo.
Ipinaliwanag nito na nasa abroad siya nang papirmahin ang mga kongresista sa nasabing resolusyon subalit hindi na aniya ito bago dahil sa mga nakaraan ay nagpahayag na siya ng suporta kay Romualdez na siyang pinili ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na mamuno sa Kamara.
Itinanggi rin nito na may plano siyang agawin kay Romualdez ang Speakership o suportahan ang anomang pagkilos ng ibang kongresista, kung mayroon man, para tanggalin ang Leyte solon sa kanyang puwesto.
“In fact, I have publicly stated that I have given up any plan to aspire for the Speakers again, in this and any future Congress that I would have the honor to be part of,” ayon pa sa statement ni Arroyo.
“Having clear myself, I think we should now move on to more pressing national concerns,” dagdag pa ng Pampanga solon.
Noong Mayo ay tinanggal din si Arroyo bilang Senior Deputy Speaker o number two ng Kamara matapos umugong na may pagkilos para tanggalin si Romualdez bilang Speaker at ginawa na lamang ito bilang isa sa maraming Deputy Speaker.
Dahil dito, isa na lamang ordinaryong mambabatas si Arroyo subalit hindi umano ito hadlang para hindi nito magampanan nang maayos ang kanyang tungkulin bilang kinatawan ng ikalawang distrito ng Pampanga.
“I accept my fate without any rancor nor bitterness. I leave the deputy speakership’s position assured that I have performed my duties well, with the best intentions and great love for my country,” pahayag naman ni Ungab matapos hubaran ng Deputy Speakership.
Pinalitan ni Isabela Rep. Tonypet Albano si Arroyo habang itinalaga naman si Lanao del Sur Rep. Yasser Alonto Balindong kapalit ni Ungab.
(BERNARD TAGUINOD)
203