(NI BERNARD TAGUINOD)
NABABAHALA ang isang mambabatas sa Mababang Kapulungan ng Kongreso matapos mapaulat na may mga gluta o pampapaputi ang hindi aprubado ng Food and Drug Administration (FDA).
“Many gluta products not approved by FDA?,” manghang pahayag ni Quezon City Rep. Alfred Vargas matapos kumpirmahin ng FDA na may mga nag-aalok umano ng injectable glutathione at Vitamin C product na hindi nila aprubado.
Dahil dito, hiniling ni Vargas sa FDA, kasama na ang ibang ahensya ng gobyerno na magtulungan upang masupil ang mga ganitong uri ng mga produkto na hindi pa pinapayagang gamitin subalit inaalok na sa mga tao.
Kailangang aniya itong madaliin lalo na’t parami nang parami umano ang mga taong gumagamit ng glutathione para pumuti ang kanilang balat.
“A continuous demand for whitening products among Filipinos should equate to FDA issuing an immediate approval that they are safe and effective for consumption. Public health must be given utmost importance,” ani Vargas.
Base sa mga report, ang mga nagtuturok ng glutathione na hindi aprubado ng FDA ay mapanganib sa kalusugan ng mga tao dahil may negatibong epekto umano ito sa atay, kidney at nervous system at maaaring magkaroon din umano ng seryosong skin disorder.
Maging ang vitamin C na itinuturok umano sa katawan ay maaaring maging dahilan para magkaroon ng kidney stone lalo na kung ang gagamit nito ay acidic.
257