(NI NOEL ABUEL)
NAGBANTA si Senador Bong Go na magpapatawag ng pagdinig sa Senado kaugnay ng gusot sa pagitan ng Private Hospital Association of the Philippines (PHAP) at ng Philhealth.
Ayon kay Go, hindi ito magdadalawang-isip na magsagawa ng pagdinig ang komite para masolusyunan ang sigalot na sa huli ay mga pangkaraniwan o mahihirap na pasyente ang maapektuhan.
“Kakausapin ko muli si Gen. Morales kung kailangang ipatawag sa Senado, ipatatawag ko. Ako as chairman ng Senate Committe on health, kung kailangan sila ipatawag ay ipatatawag ko sila to address this, importante walang fraudulent claims, ghost claims at ayaw natin may masayang na pera,” sabi nito.
Sinabi pa ni Go, na kinausap na nito si Philhealth president Ricardo Morales para atasang asikasuhin ang pagbabayad ng claims ng PHAP sa lalong madaling panahon.
“Tinawagan ko agad kanina si Philhealth pres. si Gen. Morales sabi ko asikasuhin n’ya muna ang claims. Sabi niya aasikasuhin nila ang claims, wala pong katotohanan na magpu-pull out ang private hospitals,” ayon pa sa senador.
Sinabi pa ni Go na noong nakaraang buwan nang makipagpulong ito kina Rustico Jimenez, pangulo ng PHAP at Morales at nagkasundo na aayusin ang dapat ayusin babayaran ang dapat bayaran.
Apela naman ni Go sa PHAP, na huwag gawing dahilan ang problema nito sa Philhealth para hindi tanggapin ang mga pasyente sa kanilang mga miyembrong ospital.
“Sa private hospital, huwag natin itong gawing dahilan na hindi natin mabibigyan ng serbisyo ang mga pasyente. Willing po ako pumagitna sa inyo,” giit ni Go.
183