GOBYERNO NAGPABAGSAK SA SEKTOR NG PAGSASAKA

SA halip tulungan upang umunlad ang kanilang buhay, gobyerno mismo ang naging dahilan ng pagbagsak ng kabuhayan ng mga magsasaka.

Ito ang pahayag ng women’s peasant group na Amihan, kaugnay ng report ng Philippine Statistics Authority (PSA) na ang magsasaka at mangingisda ang pinakamahirap na sektor sa lipunan.

Ayon kay Zenaida Soriano, chairperson ng Amihan National, mula 2019 nang ipatupad ang Republic Act (RA) 11203 o Rice Tariffication Law (RTL), nalugmok lalo sa kahirapan ang mga magsasaka.

Nawalan kasi aniya ang mga ito ng tinatayang P261 billion mula 2019 hanggang 2022 dahil bumagsak ang presyo ng palay kasunod ng pagbaha ng imported rice dahil sa nasabing batas.

“Mismong gobyerno ang gumawa ng pagpapabagsak sa sektor ng palay. Dahil sa mga bumahang imported na bigas, bumagsak ang presyong farmgate na dapat ay kita at kabuhayan na ng mga magsasaka, napunta pa sa mga malalaking trader at importer,” ani Soriano.

“Iyan ay kongkretong pagpapahirap ng gobyerno sa mga magsasaka at pagpabor sa mga mayayaman at dayuhan,” dagdag pa nito.

Dahil dito, hiniling ng grupo kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na ibasura o kaya amyendahan ang RTL subalit tila hindi sila pinapansin.

Saka lang umano pinapakinggan ng gobyerno ang hinaing ng mga magsasaka kapag nagsama-sama ang mga ito sa isang kilos protesta subalit nakataya naman ang kanilang kaligtasan dahil sa pagha-harass ng mga pulis at militar. (BERNARD TAGUINOD)

624

Related posts

Leave a Comment