(NI BERNARD TAGUINOD)
UPANG hindi masaktan ang mga consumers sa tuwing tumataas ang presyo ng langis sa world market, iminungkahi ng isang mambabatas sa Kamara sa gobyerno na mamili at mag-imbak ng langis gamit ang Malampaya fund at excise tax sa mga produktong petrolyo.
Base sa House Resolution (HR) 1936 na inakda ni 1-Pacman party-list Rep. Michael Romero, nais nito na magtatag ng tinatawag na “National Strategic Fuel Reverse” upang masiguro na may sapat na supply ng langis ang bansa.
Nais din ng mambabatas itaas sa 45 hanggang 60 araw ang buffer stock ng mga oil companies sa bansa mula sa kasalukuyang 30 araw para matiyak na may sapat na supply ang bansa sa panahong mataas ang bentahan ng langis sa world market.
Ayon kay Romero, panahon na para mag-imbak ng langis ang gobyerno mismo na isa sa mga napag-usapan at pinag-aralan sa summit ng Association of Southeast Asian Nation (ASEAN) noong nakaraang taon dahil ang rehiyong ito ang may pinakamababang oil reserve sa buong mundo.
Nais ng mambabatas na tuwing mababa ang presyo ng langis sa world market ay mamili ng mamili ang gobyerno upang kapag tumaas muli ito ay mayroong mabibiling mura ang mga local oil companies na ibebenta naman sa murang halaga sa mga consumers.
Ipinanukala ni Romero na gamitin ang Malampaya funds na noong nakaraang taon ay umaabot na sa P198.5 Billion para ipambili ng reserbang langis tuwing mababa ang presyo nito sa world market.
Maliban dito, puwede ding gamitin aniya ang nakokolekang excise tax sa mga produktong petrolyo sa pagbili ng reserbang langis na makakatulong, hindi lamang aniya sa ekonomiya kundi sa mga consumers.
Karaniwang ugat ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin, pamasahe at iba pang serbisyo publiko ang oil price increase kung saan ang pangunahing nasasaktan ay ang mga karaniwang consumers.
Napatunayan ito noong nakaraang taon nang ipatupad ang Tax Reform Acceleration and Inclusion TRAIN Law na nagpataas sa excise tax at sinabayan pa ng pagtaas ng presyo nito sa world market.
390