GOBYERNO PINAGHAHANDA SA PAGSIRIT NG PRESYO NG LANGIS

PINAGHAHANDA ni Senador Sherwin Gatchalian ang gobyerno sa posibilidad ng pagtaas ng presyo ng langis kasunod ang paggalaw sa pandaigdigang pamilihan bunsod ng desisyon ng Saudi Arabia at iba pang OPEC + oil producers na bawasan ang produksyon ng 1.16 million barrels kada araw.

“Nakakalungkot ang pangyayaring ito, at dapat agad na gumawa ang gobyerno ng mga aksyon na magpapagaan sa posibleng dagok sa ekonomiya ng bansa, lalo na’t inaasahan ang epekto nito sa presyo ng mga pangunahing bilihin,” sabi ni Gatchalian.

Iginiit ni Gatchalian, vice-chairperson ng Senate committee on energy na dapat makipag-ugnayan na ang Department of Energy (DOE) sa lahat ng industry players upang matiyak na sapat ang suplay ng enerhiya sa bansa.

Dapat din anyang simulan ng Land Transportation Regulatory and Franchising Board (LTFRB) ang paghahanda sa muling pagpapatupad ng Pantawid Pasada program.

Dapat din aniyang bilisan ng DOE ang pagpapatupad ng Electric Vehicle Industry Development Act (EVIDA) upang maisakatuparan ang malawakang paggamit ng electric vehicles (EVs) upang maiwasang umasa nang pangmatagalan ng bansa sa imported na langis. (DANG SAMSON-GARCIA)

72

Related posts

Leave a Comment