Good news sa mga adik? TOKHANG AT DRUG LIST IPAGBABAWAL NA

IPAGBABAWAL na sa mga pulis ang pagtokhang at pagkakaroon ng tinatawag na drug list sa mga taong nalululong sa ilegal na droga kapag naging batas ang isang panukala na inihain kahapon sa Kamara.

Sa House Bill (HB) 11004 na tatawaging “Kian Bill”, na iniakda ni Akbayan party-list Rep. Perci Cendaña, isinusulong nito na ang pagkakaroon ng makataong solusyon sa problema sa ilegal na droga.

Ang nasabing panukala ay isinunod sa pangalan ng 17-anyos na si Kian delos Santos na pinatay ng tatlong pulis sa Caloocan City noong 2017 na kalaunan ay nasentensyahan ng habambuhay ng pagkakabilanggo.

Hanggang ngayon ay patuloy umanong ginagamit ang drug list at pagtotokhang lalo na sa mga drug user kaya nais ni Cendaña na ipagbawal na ito at sa halip ay tulungan ang mga adik para makapagbagong buhay.

“The Kian Bill prevents the killing of more innocent Kians. Imbes na dahas at bala, solusyon natin ang magbigay ng karampatang lunas at direktang lingap sa mga drug users,” paliwanag pa ng mambabatas.

Layon umano nito na hindi na maulit ang madugong war on drugs noong panahon ni dating pangulong Rodrigo Duterte na ikinamatay ng 30,000 katao kasama na ang mahigit 6,000 na namatay sa police operations dahil nanlaban umano ang mga target.

Bukod dito, maiiwasan na umano ang pagkamatay ng mga inosente na kahit walang kinalaman ang ilegal na droga ay inilagay ang mga ito sa drug list kaya kasama ang mga ito sa mga tinokhang. (BERNARD TAGUINOD)

59

Related posts

Leave a Comment