Posibleng mabuwag dahil 99 porsiyentong pag-aari ng dayuhan- solon
DELIKADO ang lagay ng Angkas kapag hindi nito inayos ang usapin sa ownership ng nasabing kumpanya.
Ginawa ni PBA party-list Rep. Jericho Nograles ang nasabing pahayag dahil sa mga ulat na pag-aari ng isang Singaporean national ang 94% ng Angkas habang 6% lamang ang hawak ng Filipino.
“Itong angkas na 99 percent foreign owned, medyo delikado yan, kuwestiyonable ‘yan. Either antayin nila na mahuhuli sila ng basta or they should start adjusting documentation,” ani Nograles.
Base sa batas, ang majority owners at may hawak ng 60% sa kumpanya ay dapat Filipino national habang 40% lamang ang puwedeng pagmamay-ari ng isang dayuhang negosyante.
Kailangan umanong baguhin ng Angkas ang usapin sa ownership ng kanilang kumpanya kung nais ng mga ito na hindi maparusahan at magpatuloy sila sa kanilang negosyo.
Hindi rin umano dapat magreklamo ang Angkas kung ire-regulate sila ng gobyerno dahil karapatan ito ng estado para proteksyunan ang interes ng mamamayan at pamahalaan.
“If a company will not allow itself to be regulated, then they have no business in the Philippines,” ayon pa sa mambabatas matapos magprotesta ang mga Angkas driver noong Disyembre nang bawasan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang kanilang bilang.
Tinawag ni Nograles na “bad faith” ang nasabing protesta dahil tila ayaw magpasailalim sa kontrol ng gobyerno ang Angkas.
Sa ngayon ay hindi pa maituturing na public utility vehicle (PUV) ang motorsiklo dahil hindi pa naisasabatas ang panukala ukol dito kaya test mode pa lamang ang pagpayag ng LTFRB na mamasada ang mga motorsiklo. (BERNARD TAGUINOD)
162