(Ni BERNARD TAGUINOD)
IBINULGAR kahapon ni Majority leader Rolando Andaya, Jr. na iisang kumpanya lamang ang nakakuha ng napakaraming proyekto ng administrasyong Duterte sa iba’t ibang lalawigan simula 2017.
Idiniin ni Andaya na sa halip na korporasyong marami ang may-ari ay iisa lamang ang may-ari ng C.T. Leoncio Construction and Trading at ito ay si Consolacion T. Leoncio batay sa rekord ng Securities and Exchange Commission (SEC).
Aniya, nakakuha ang C.T. Leoncio Construction and Trading ng napakaraming kontrata sa iba’t ibang probinsya tulad ng Sorsogon, Catanduanes, Samar, National Capital Region (NCR), Camarines Sur, Pangasinan, Tarlac, Batangas, Bulacan at Davao City.
Ang mga proyektong nakopo ng nasabing kumpanya ay mga proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH), Bureau of Internal Revenue (BIR), Department of Transportation (DOTr), Philippine Ports Authority (PPA), Philippine Fisheries Development Authority (PFDA) at Departmentof Labor and Employment (DOLE).
“We disovered a large-scale scam,” birada ni Andaya.
Ipapatawag ng Mababang Kapulungan ng Kongreso si Leoncio alinsunod sa ipinasang mosyon ni Andaya kung saan ang layunin nito ay imbestigahan ang iskam sa “large-scale” projects na nakopo niya.
Ipapatawag din ang mga opisyal ng Commission on Audit (COA), mga district director at district engineers ng mga nabanggit na ahensyang nagkaroon ng proyekto ang L.T. Leoncio Construction and Trading.
Isiniwalat ni Andaya ang iskam nang pumutok ang iskam sa pork barrel ng mga kongresista.
Sa iskam na ito ay sinasabing kinargahan ng bilyun-bilyong pork barrel ang mga distrito ng mga kongresistang malapit kay Pangulong Rodrigo Duterte, kabilang si Andaya.
Ibinisto ng isang senador na P1.9 bilyon ang pork barrel ni Andaya para sa distrito 1 ng Camarines Sur.
169