(NI BETH JULIAN)
SA kadahilanang walang magandang resulta ang pakikipag-negosasyon sa kilusang komunista, binuwag ng Malacanang ang Government of the Republic of the Philippines negotiating Peace Panel o GRP peace panel.
Sa liham na ipinadala ng Office of the Executive Secretary kay Labor Secretary Silvestre Bello III, chief negotiator at mga miyembro ng panel na sina Rene Sarmiento, Angela Librado-Trinidad, Antonio Arellano at Hernani Braganza, nakasaad dito ang paglusaw ng GRP Peace Panel.
Nakasaad sa liham na ipinadala ng Office of the President na may lagda ni Executive Secretary Salvador Medialdea, at may petsang March 18, 2019, epektibo agad ang pagbuwag dito.
Ipinati-turn over din sa mga miyembro ng peace panel ang lahat ng hawak nilang mga dokumento at mga property, sa Office of the Presidential Adviser on the Peace Process (OPAPP) na pinamumunuan ni Secretary Carlito Galvez, Jr.
Noong Hunyo ng nakaraang taon ay ipinatigil na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang peace talks sa grupo ni Communist Party of the Philippines founding Chair Jose Maria Sison matapos makitaan ng kawalan ng sinseridad na makipaglasundo sa pamahalaan.
Napag-alaman na nagalit ang Pangulo sa patuloy na pag atake ng New People’s Army (NPA) sa tropa ng pamahalaan habang may peace talks sa The Netherlands dahilan para pagpasiyahang itigil ang usapang pangkapayapaan.
100