Grupo ng manggagawa sa ‘Anti-Terrorism Law’ PH, MAGIGING NO. 1 KILLING FIELD

KUMBINSIDO ang pinakamalaking alyansa ng mga pederasyon at unyon ng mga manggagawa sa Pilipinas na magiging numero unong “killing field” ang bansa sa buong mundo kapag nagkaroon ng Anti-Terrorism Law.

Ibinatay ang prediksiyong ito ni Atty. Jose Sonny Matula, tagapangulo ng NAGKAISA Labor Coalition, sa pahayag ng International Trade Union Confederation (ITUC) na ang Pilipinas ay isa sampung bansa na notoryus sa pagpaslang ng mga lider-manggagawa at ‘pagpatay’ sa mga unyon nitong 2019.

Ang siyam na iba pa ay ang Bangladesh, Brazil, Colombia, Kazakhstan, Turkey, Zimbabwe, Egypt, Honduras at India.

Ani Matula, nakasama ang Pilipinas sa mga bansang ‘kaaway’ ang turing sa mga manggagawa nang walang Anti-Terrorism Law sa bansa.

Home Security Act of 2007 ang ipinatutupad ng pamahalaan.

“Validated reports on red-tagging, criminalization of trade unionists and murder of trade union leaders in 2019 were cited by the ITUC as evidences of continuing trade repression in the country,” saad ni Matula na pangulo rin ng Federation of Free Workers (FFW).

Tinumbok sa ulat ng ITUC ang pagpaslang sa mga labor organizer na sina Dennis Sequeña ng partido Manggagawa (PM) at Reynaldo Malaborbor ng February Six Movement bilang kongkretong katibayan ng karahasang nagaganap sa kilusang paggawa sa Pilipinas.

“Justice have yet to be served in both cases,” birada ni Matula.

Aniya, hanggang nitong 2019 ay mayroong 45 lider ng mga unyon at samahan ng mga pesante ang pinatay simula nang maging lider ng bansa si Pangulong Rodrigo Duterte.

“This was done with impunity since none of these murders were ever solved,” bigwas ni Matula.

Idiniin ni Matula na posibleng maging numero unong killing field ang bansa ng mga lider-manggagawa at ng mga unyon kapag naging ganap nang batas ang Anti-Terror Bill.

Nakapila na sa Office of the President ang panukalang batas na, ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque Jr., ay posibleng paboran ni Duterte.

Matatandaang sinertipika ni Duterte ang panukalang batas nitong huling linggo ng Mayo, dahilan upang ipasa ng Kongreso ang bersiyon ng Senado noong Hunyo 3. NELSON S. BADILLA

74

Related posts

Leave a Comment