Gumawa ng fake FB account ng BBM chief of staff NBP INMATE ARESTADO SA PANGONGOTONG

(JESSE KABEL)

BISTADO ang isang convicted criminal na nakakulong sa maximum security compound ng New Bilibid Prisons (NBP) sa paggamit sa pekeng Facebook account ni Atty. Vic Rodriguez, chief of staff at tagapagsalita ni incoming President Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., para mangotong.

Nagsasagawa na rin ng malalimang imbestigasyon ang National Bureau of Investigation (NBI) – Special Action Unit (SAU), kung paano nakapagpuslit ng cellphone habang nakakulong ang suspek na nakilalang si Ryan Ace Castillejo, alyas Kiko at Jose Villafuerte, na convicted sa kasong qualified theft.

“More importantly, how he was able to use the same for commission of the crime. It is gathered that a signal jammer was installed at the NBP purposely to deter the inmates’ use of mobile phones for such illegal activities,” ani Senior Agent Levi Anthony Royeras, agent-on-case.

Isinagawa ang operasyon kasunod nang pagkaaresto kay Casielyn Cardenas nitong Abril 18, 2022 sa katulad na kaso na namemeke ng FB account gamit ang pangalan ni Rodriguez.

Ayon sa ulat, na-trace ng mga otoridad na ang cellphone na ginagamit sa krimen ay kay Castillejo na nakakulong sa maximum security compound ng NBP.

Nabawi sa suspek ang isang smart cellphone, ilang pirasong notebook, at isang Kahoy na ginagamit na taguan ng cellphone.

Sa inisyal na imbestigasyon, nakumpirma na ang suspek ang siya ngang nagpapanggap na Atty. Rodriguez sa FB.

Nabatid na bukod kay Rodriguez, tinatangka rin nitong nakawin ang mga identity nina Vicente Danao Jr., acting-PNP chief, at Louise Liza Araneta Marcos, asawa ni BBM.

Nabunyag din sa notebook ng suspek ang mga pangalan ng kanyang mga posibleng sunod na bibiktimahin kabilang ang pangalan ni Sandro Marcos, dating Vice President Jejomar Binay, Bureau of Customs Commissioner Rey Guerrero at Pasig Mayor Vico Sotto.

Nabatid na ang suspek, gamit ang pekeng account ni Rodriguez ay nanghingi ng P120,000 cash sa isang biktima bilang bayad umano sa pagpapadala ng relief goods sa mga biktima ng bagyong Agaton kamakailan.

Nabunyag din na hanggang sa kasalukuyan ay nanghihingi ng malaking halaga ang naturang pekeng FB account para naman sa planong victory party ni Marcos.

Samantala, sinabi ni Col. Gabby Chaclag, tagapagsalita ng Bureau of Corrections (BuCor), na magsasagawa na rin sila ng hiwalay na imbestigasyon para matukoy ang posibleng kasabwat ng suspek sa loob ng kulungan.

“Tuloy-tuloy po ang paggalugad natin. May investigation na po ginagawa tungkol dito at mananagot po ang responsable rito,” ani Chaclag.

Samantala, nasa isolation naman ngayon si Castillejo bilang disciplinary action at habang gumugulong ang imbestigasyon.

Ang iba pa niyang pribilehiyo sa kulungan tulad ng dalaw ay pansamantala ring kinansela ng NBP.

Related posts

Leave a Comment