(NI BERNARD TAGUINOD)
KUNG mayroong dapat sisihin sa itinakbong personal data ng mga passport holders ay walang ibang iba kundi ang gobyerno mismo dahil ang trabahong nakaatang sa kanila ay isina-subcontract sa pribadong kumpanya.
Ito ang paninisi ng grupong Bayan Muna party-list dahil imbes na pagtulungan ng government agencies tulad ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) at National Printing Office (NPO) ang pag-imprenta ng pasaporte ay ibinigay sa United Graphic Expression Corporation (UGEC).
“Ito kasi ang hirap kapag sinusub-contract sa mga private corporations ang mahahalagang gawain na gobyerno lang dapat ang gumagawa. Ngayon ay nasa panganib ng identity theft ang mga kababayan nating nakuhanan ng kanilang personal data,” ani Bayan Muna party-list chairman Neri Javier Colmenares.
Sinabi naman ni Rep. Neri Colmenares na kinalampag na nila ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa isyung ito noong isang taon pa ukol sa Joint Venture Agreement (JVA) sa pagitan ng UGEC at APO Production Unit Inc., na siyang inaatasang mag-imprenta ng mga pasaporte.
Sa ilalim ng nasabing JVA, mag-iimprenta ng 3.4 million passport ang UGEC kada taon subalit hindi na umano gumagamit ang mga ito ng abaca componenet bilang security features.
“The removal of the abaca material is not only a possible contractual violation but may also compromise the security and reliability of UGEC-printed passports,” ani Zarate
Lumalabas din umano na naubusan ng paper supply ang UGEC kaya ang naiprentang pasaporte noong Marso 2017 ay umaabot lamang umano sa 1,946,703 na isang paglabag sa JVA.
Noong Mayo 20, 2017 ay kinansela ng APO at DFA ang pag-iimprenta at pumayag ang BSP na sila na lamang ang mag-iimprenta ng mga pasaporte subalit sa kabila nito ay nag-iimprenta umano ang APO at UGEC ng mga pasaporte.
Dahil dito, inihain ni Zarate ang House Resolution 1608 para imbestigahan ng Kamara ang nasabing usapin dahil maaring may mga implikasyon aniya sa seguridad ng bansa.
161