Gustong pahupain sa EO 39 – solons GALIT NG TAUMBAYAN RAMDAM NA NI BBM

(BERNARD TAGUINOD)

ITINUTURING ng isang grupo ng mga mambabatas sa Kamara na desperadong hakbang ang Executive Order (EO) 39 ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos para pawiin ang galit ng mamamayan sa patuloy na pagtaas ng presyo ng bigas sa bansa.

Ginawa ni Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas ang pahayag matapos ilabas ni Marcos ang kautusan para itakda sa P41 ang presyo ng regular milled rice habang P45 naman sa well-milled rice.

“Eto ay desperate move to quell the people’s mounting frustration over his failure to deliver his campaign promise, sabi niya bente pesos ang bigas,” ani Brosas.

Hangga’t patuloy aniyang pinababayaan ni Marcos ang sektor ng agrikultura na kanyang pinamumunuan at kung hindi amyendahan ang Rice Liberalization Law sa halip umaasa lang sa importasyon ay malabong matupad ng una ang pangako noong nakaraang eleksyon.

Sinabi naman ni Albay Rep. Edcel Lagman na dapat nilinaw ng Malacañang kung kasama ang mga imported rice sa itinakdang price cap dahil kung hindi ay maaapektuhan ang lokal na industriya.

Bukod dito ay dapat arestuhin at ipakulong ang mga rice smuggler, hoarders at cartel dahil hanggang ngayon ay wala pang inaaresto ang gobyerno gayung marami na silang sinalakay na mga bodega ng bigas.

“The campaign against rice smuggling and cartelization must be fully intensified with the immediate apprehension, prosecution, and conviction, once warranted, against malefactors,” ani Lagman.

Dapat din aniyang limitahan ang papel ng middlemen sa rice trading.

Ganito rin ang pahayag ni House ways and means chairman Joey Salceda kaya dapat paigtingin ang kampanya laban sa mga hoarder at profiteers sa industriya ng bigas dahil ang mga consumer ang nagdurusa sa kanilang pagiging gahaman.

“There is clearly abuse of market power among certain participants, as was made evident in recent raids of warehouses. There is some arbitrage and undue padding of margins in the sector, and a rice price ceiling will help put a stop to that behavior,” ani Salceda.

‘Diskarteng tamad ni BBM’

Nauna rito, hindi pabor si Senador Risa Hontiveros sa pagtatakda ng price control bilang tugon sa patuloy na pagtaas ng presyo ng bigas sa bansa sa harap ng maraming kalamidad.

Para kay Hontiveros, hindi gamot ang price control sa presyo ng bigas.

“Price controls are “cures” that could be even worse than the disease. Ito ba ang reseta ng mga ekonomista ng Malacañang, o ng spin doctors nila? Medyo trabahong tamad ang price control,” ayon kay Hontiveros.

Aniya, kung may hoarders na gustong bawasan ang suplay ng bigas sa merkado at pataasin ang presyo ay dapat nahuli na ang mga ito.

“Wala pa bang nahanap na ebidensya ang NBI pagkatapos silang utusan ng Presidente bago mag-SONA?,” ani Hontiveros.

Para mapatatag ang presyo ng bigas pati na ang suplay, muling hiniling ni Hontiveros ang pagrepaso sa Rice Tariffication Law gayundin ang pamamalakad sa Department of Agriculture (DA) at National Food Authority (NFA).

Presyo babantayan

Kaugnay nito, magpapakalat ng tauhan ang Department of Trade and Industry (DTI) para bantayan ang presyo ng bigas sa mga palengke.

Ayon kay DTI Secretary Alfredo Pascual, makikipag-ugnayan ang kanilang hanay sa DA at local government units para ma-activate ang Local Price Coordinating Councils.

Sa ganitong paraan aniya, mas epektibong maipatutupad ang mandated price caps sa bigas.

Simula bukas, Setyembre 5, paiiralin ang price ceiling sa presyo ng bigas sa buong bansa.

“The Office of the Executive Secretary also emphasized that any inquiry or complaint about the executive order can be coursed through the government’s 8888 Citizens’ Complaint Center,” pahayag ni Office of the Executive Secretary Undersecretary Leonardo Roy Cervantes.

(May dagdag na ulat si CHRISTIAN DALE)

265

Related posts

Leave a Comment