NASA P591.8 billion ang kabuuang pondo para sa Ayuda programs ng gobyerno para sa susunod na taon.
Ito ang inihayag ni Budget Secretary Amenah Pangandaman sa briefing ng Development Budget Coordination Committee bilang tugon sa tanong ni Senador Win Gatchalian kaugnay sa mga programa ng pamahalaan para matulungan ang bottom 30 percent ng mga Pilipino.
Sinabi ni Pangandaman, pinakamalaking bahagi ng alokasyon ay para sa 4Ps o Pantawid Pamilyang Pilipino Program na pinaglaanan ng P114.2 bilyon.
Kasama rin sa nabanggit na pondo ang para sa AICS o Assistance in Crisis Situation, TUPAD o ang emergency employment program, maging ang subsidiya para sa public higher education at Sustainable Livelihood Program.
Hindi na kasama sa alokasyon ang AKAP program dahil hindi ito kasama sa ipinanukalang programa ng Department of Social Welfare and Development para sa susunod na taon.
Binigyang-diin naman ni Gatchalian na mahalaga sa mga programang ito ay ang tamang targeting upang makamit ang tunay na layunin nito.
Kailangan anyang maging maayos ang sistema upang matiyak na ang 13 million na mahihirap na pamilya ang makikinabang. (DANG SAMSON-GARCIA)
38