(NI BERNARD TAGUINOD)
KUMBINSIDO ang isang mambabatas sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na mayroong backer ang mga drug traffickers sa gobyerno ni Pangulong Rodrigo Duterte dahil malakas ang loob ng mga ito na magdala ng droga sa bansa gayung nasa gitna ng giyera laban sa ilegal na droga ang Pangulo.
Bukod dito, naniniwala si Magdalo party-list Rep. Gary Alejano, na bigo si Duterte sa giyera kontra ilegal na droga dahil imbes na magbawasan ang mga drug addict ay dumadami pa ang mga ito base sa kanyang pagtataya ng umaabot sa pito hanggang walong milyon ang durugista sa Pilipinas ngayon.
“Those who continue to bring in illegal drugs are obviously confident that the government will not go after them. Tiwala sila sa mga backers nila sa gobyerno. Ang tanong: sinu-sino ba talaga ang sangkot sa kalakalan ng ilegal na droga sa ating bansa?,” tanong ni Alejano.
Ginawa ng mambabatas ang pahayag dahil sa bulto-bultong cocaines na nakuha sa karagatan sa iba’t ibang bahagi ng bansa tulad ng Davao Oriental, Surigao, Dinagat Island, Quezon Province, isa lang lalawigan sa Bicol Region, Isabela at Nueva Ecija.
Hindi umano ito gagawin ng mga drug lord kung wala silang backer sa gobyerno kaya ang hamon sa Pangulo ay tukuyin ang mga nagbibigay proteksyon sa sindikatong ito kung totoong seryoso ito sa kampanya laban sa ilegal na droga.
Nakakaalarma aniya ang situwasyon ngayon dahil mismong si Duterte ay naniniwala na mas dumami pa ang drug addict sa Pilipinas matapos sabihin na pitong milyon ang adik ngayon sa Pilipinas na isang indikasyon na parami ng parami pa rin ang supply ng ilegal na droga dahil sa malakihang drug smuggling na nangyayari ngayon.
“Kung totoo ang mga numerong binibigay ng Pangulo, imbes na lumiit ang bilang ng sangkot sa droga ay tila palaki pa ng palaki. Pati raw Colombia cartel ay nakaabot na dito. Yet Malacañang still claims that the drug war has been a success. It was not,” ani Alejano.
Dahil dito, sinabi ng mambabatas na isang “failure” ang drug war ni Duterte dahil ang mga drug lords aniya ay patuloy na namamayagpag at ligtas sa mainit na mata ng gobyerno habang ang mga mahihirap at maliliit na drug suspects ang pinupuntirya at pinapatay aniya.
118