(NI BERNARD TAGUINOD)
UPANG patunayan na ligtas inumin ang malabong tubig na mahinang tumutulo sa gripo, hinamon ng Gabriela ang mga opisyales ng Maynilad at Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) na sila muna ang uminom dito.
Ginawa ni Gabriela party-list group na kinakatawan ni Rep. Arlene Brosas ang hamon sa Maynilad at MWSS matapos sabihin umano ng mga ito na ligtas inumin ang tubig sa gitna ng reklamo ng mga consumers na malabo ang tumutulo sa kanilang gripo.
“Perhaps Maynilad and MWSS should demonstrate their claim. Inumin nila ang tubig sa gripo kung talagang safe ito, kahit sa unang tingin ay mukhang malabnaw na iced tea ito,” ani Jang Monte-Hernandez, secretary general ng Gabriela.
Unang sinabi ni dating Rep. Emmi de Jesus na maraming consumers sa Quezon City ang nagkakasakit na sa tiyan dahil sa umano sa maruming tubig na tumutulo sa kanilang grupo.
Patuloy umano na nakakatanggap ang grupo ng report mula sa mga consumers na nagka-diarrhea dahil sa pag-inom ng tubig sa gripo subalit pinapalabas umano ng MWSS na safe o ligtas itong inumin.
“Pineperwisyo na nga ang libu-libong mga nanay, niloloko pa tayo,” ani Monte-Hernandez kaya hindi umano dapat maningil ang Maynilad ng bayad sa mga apektadong consumers.
Hindi aniya kaya ng mga mahihirap na pamilya na bumili ng commercial drinking water kaya sinasala na lamang ng mga ito ang tubig sa kanilang gripo upang mainom.
“Ang problema, delikado pa rin ito at nagiging sanhi pa ng pananakit ng tiyan ng ilang mga customer ng Maynilad. Ito mismo ang manipestasyon ng kapalpakan ng pribatisasyon ng sebisyo sa tubig,” ayon kay Monte-Hernandez.
185