Hamon ng solon, kung totoong Pinoy GABBY LOPEZ ISAKRIPISYO ANG PAGIGING AMERIKANO

HINAMON ng isang mambabatas sa Kamara si ABS-CBN chairman emeritus Eugenio “Gabby” Lopez III na patunayan sa sambayanang Filipino ang kanyang pagka-Filipino at pagmamahal sa Pilipinas sa pamamagitan ng pagsasakripisyo sa kanyang American citizenship.

“Mahal mo kamo ang Pilipinas, pero bakit yung pagiging Amerikano mo ay hindi ko kayang isakripisyo?,” tanong ni ACT- CIS party-list Rep. Eric Yap sa kanyang manifestation sa joint hearing ng House committee on legislative franchise at committee on good government and public accountability.

Ginawa ni Yap ang pahayag matapos lumitaw sa nakaraang apat na pagdinig sa prangkisa at paglabag umano ng ABS-CBN sa mga batas, na dalawa ang citizenship ni Lopez subalit mistulang mas matimbang sa kanya ang pagiging Amerikano dahil noong 2000 lamang ito nagpa-recognize bilang Filipino kaya nagkaroon ng Philippine Passport.

“Para sa isang nasa mataas na posisyon sa isang malaking mass media company gaya ng ABS-CBN, nadidismaya ako na hindi mo nakuhang i-renounce ang American citizenship mo at buong puso at pagkataong magsilbi para sa mga Pilipino,” ani Yap.

Ipinangangak si Lopez noong 1952 sa Amerika at sa loob ng 48 taon ay American passport ang kanyang ginamit kaya kinuwestiyon ni House deputy speaker Rodante Marcoleta kung talagang Filipino ito sa puso, isip at diwa dahil pinalipas nito ang 48 taon bago naisip na magpa-recognize bilang Filipino.

“Kung buong puso kang Filipino, you will act, behave and think as a Filipino,” ani Yap kay Lopez kaya dapat umano nitong bitiwan ang kanyang American citizenship upang patunayan na totoo ang kanyang sinasabi na 100% Filipino ang kanyang puso’t isip.

“Hindi yung Filipino ka lang kung convenient ito para sayo gaya ng pagmamay-ari ng ABS-CBN,” dagdag pa ni Yap.

Lumalabas aniya na kaya patuloy na ginagamit ni Lopez ang kanyang American passport ay dahil hindi na kailangan ang visa kapag pumunta ito sa mga bansa sa Europa at iba pang bansa tulad ng Japan at nagpapakilalang Filipino dahil naman sa business interest nito sa Pilipinas.

Kailangan din umanong bitiwan o isakripisyo ni Lopez ang kanyang American citizenship dahil nakataya ang interes ng bansa bilang isa sa mga may-ari ng maimpluwensyang broadcast network.

“Dahil ikaw ay isang American citizen, hindi ka maaaring hayagang tumuligsa sa bansang Amerika at ito ay sadyang nakababahala. You find it convenient to have dual citizenship kaya hindi mo nakuhang i-renounce ang iyong pagiging isang Amerikano. Hindi maaaring tayo ay nasa isang influential position na may kaduda-dudang interest. Kailangan buo ang allegiance natin sa Pilipinas at tanging best interest ng ating bansa ang mangingibabaw,” dagdag pa ni Yap. BERNARD TAGUINOD

64

Related posts

Leave a Comment