Hamon ni Pang. Duterte kinasahan HINDI AKO KORAP AT SINUNGALING! – PACMAN

0

(DANG SAMSON-GARCIA)

KUMASA si Senador Manny Pacquiao sa hamon ni Pangulong Rodrigo Duterte na pangalanan at tukuyin ang mga ahensya at opisyal ng administrasyon na sangkot sa katiwalian.

“Tinatanggap ko ang hamon ng Pangulong Rodrigo Duterte. Salamat po at binigyan nyo kami ng pagkakataon na tumulong sa inyo at bigyan kayo ng mga impormasyon para sa kampanya kontra korapsyon,” saad ni Pacquiao.

Kasabay nito, ipinaalala ni Pacquiao na mismong ang pangulo ang nagpahayag noong October 27, 2020 na lalong lumalakas ang korapsyon sa gobyerno.

“In his own words sinabi niya na ‘I will concentrate the last remaining years of my term fighting corruption kasi hanggang ngayon hindi humihina lumalakas pa lalo.’ Mr. President I feel the same way,” diin ni Pacquiao.

Kasabay nito, kinontra ng senador ang pagtawag sa kanya ni Duterte na sinungaling.

“Mawalang galang po mahal na Pangulo, ngunit hindi ako sinungaling. May mga naging pagkakamali ako sa buhay na aking itinuwid at itinama ngunit dalawang bagay ang kaya kong panghawakan. Hindi ako tiwali at hindi ako sinungaling,” diin ng senador.

Bilang panimula sa pagtukoy sa mga corrupt na ahensya at opisyal, unang hinamon ni Pacquiao si Health Secretary Francisco Duque III.

“Magsimula tayo sa DOH. Silipin at busisiin natin lahat ng mga binili mula sa rapid test kits, PPE, masks at iba pa. Handa ka ba Sec. Francisco Duque na ipakita ang kabuuan ng iyong ginagastos? Saan napunta ang pera na inutang natin para sa pandemya?” giit ni Pacquiao.

“Nakakalungkot na sa isyu ng korapsyon kami magtatalo, dahil ang kailangan ng bansa ay mga lider na magtutulungan laban dito,” pagtatapos pa ng senador.

Samantala, agad ding tumugon si DOH Secretary Francisco Duque III.

Tiniyak niya na bukas siya sa anomang imbestigasyon at handa umano siyang ipakita kung saan napunta ang mga perang inutang para ipambili ng bakuna.

Iginiit din nito na nagagamit sa tama ang lahat ng pondo ng gobyerno.

‘Timing’ ni Pacquiao kinuwestyon

Kaugnay nito, kinuwestyon ng Malakanyang ang “timing” ng alegasyon ni Senador Manny Pacquiao na mayroong korapsyon sa Department of Health (DOH) sa gitna ng COVID-19 pandemic.

“Sa akin po, absent po siguro si Senator Pacquiao nung nagprisinta yung mga Cabinet secretaries, or kung hindi siya absent he may have been preoccupied with something else,” ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque.

At kung ang pinaghuhugutan naman ni Pacquiao ay isyu ng Personal Protective Equipment (PPE), sinabi ni Sec. Roque na naipaliwanag namang mabuti ni Health Secretary Francisco Duque ang bagay na ito.

Sa kabilang dako, naniniwala si Sec. Roque na pulitika talaga ang ugat ng alitan na namamagitan ngayon kina Pangulong Rodrigo Roa Duterte at Pacquiao. (May dagdag na ulat si CHRISTIAN DALE)

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment