KAILANGANG isapubliko ng Malacañang ang bagong water concession contract na binuo ng mga legal adviser at economic manager ni Pangulong Rodrigo Duterte bago ito ilatag sa Maynilad at Manila Water.
Ito ang pahayag ni Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas.
Aniya, kailangang mabusisi muna ng publiko kung patas ang bagong water concession contract bago ito ilarga upang masiguro na hindi muling maiisahan ng mga water concessionaire ang mga consumer.
Ginawa ng mambabatas ang pahayag dahil nabuo na umano ang bagong kontrata subalit hindi pa ito isinasapubliko ng Palasyo hanggang ngayon kaya walang ideya ang publiko kung ano ang nilalaman nito.
“Why is the President keeping the details of the alleged new water deals out of public’s sight? And more importantly, why is Duterte so compromising in his stand this time instead of fully renationalizing the water services, which is first and foremost a public utility?,” tanong ni Brosas.
“Hindi pwedeng bago ang kontrata pero pribatisado pa rin at ginagawang negosyo ang serbisyo sa tubig,” dagdag pa ng mambabatas kaya umapela ito sa Office of the Solicitor General (OSG) na isapubliko na ang bagong kontrata.
Kailangang isali na aniya ang publiko sa pagbusisi sa bagong kontrata sa tubig upang maproteksyunan ang kanilang interes at hindi na umano maulit na pinagkakakitaan lamang sila ng mga water concessionaire.
Ayon sa Malacañang, inalis ang mga “onerous privision” sa bagong water concession contract na kailangang tanggapin umano ng Manila Water at Maynilad dahil kung hindi ay babawiin ng gobyerno ang water distribution services sa kanila.
Ang grupo ni Brosas ay nais maibalik na sa kontrol ng gobyerno ang water service dahil pinagkakitaan lamang umano ito ng mga water concessionaire sa mahabang panahon. (BERNARD TAGUINOD)
172