(NI BETH JULIAN)
MALALAMAN na ng mga Overseas Fililpino Workers (OFWs) ang lahat ng kanilang karapatan at benepisyo.
Ito ay matapos lagdaan ni Pangulong Rodirigo Duterte at maging ganap nang batas ang Handbook for OFWs Act.
Nilalaman ng mga handbook ang mga karapatan at benepisyo ng mga OFWs.
Dito ipinapaliwanag sa mga OFWs ang kanilang mga benepisyo at hirap ng pagtatrabaho sa ibang bansa.
Noong Pebrero 22 pa nilagdaan ng Pangulo ang Republic Act No. 11227 o “Handbook for OFWs Act of 2018” at noong Sabado lamang ng hapon ito inilabas sa mamamahayag.
Inamyendahan ng bagong batas ang Republic Act No. 8042 o “Migrant Workers and Overseas Filipinos Act of 1995.”
Sa ilalim ng batas, nakasaad dito ang impormasyon ukol sa kundisyon ng pagtatrabaho at pamumuhay sa bansa na kanilang pupuntahan.
Ang mga ahensya ng gobyerno na may mandatong ipatupad ang batas ay ang Philippine Overseas Employment Administration (POEA), Department of Labor and Employment (DOLE), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), Department of Foreign Affairs (DFA), Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT), Commission on Filipinos Overseas (CFO) at Maritime Industry Authority (MARINA).
Magmumula naman sa pondo ng POEA ang para sa publication, distribution at update ng OFW Handbook.
Sa pamamagitan nito, umaasa ang Malacanang na mabibigyan ng sapat na kaalaman para sa kanilang karapatan ang bawat OFW na nagtatrabahong malayo sa kanilang mga pamilya.
124