Hangga’t dedma si Marcos Jr. KAHIRAPAN TITINDI PA

HANGGA’T dinededma o hindi pinakikinggan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos ang suhestiyon ng mga magsasaka at mangingisda, mamamatay na mahirap ang mga ito.

Reaksyon ito ni dating congressman Rafael Mariano sa resulta ng survey ng Philippine Statistics Authority (PSA) na ang mga mangingisda at magsasaka ang pinakaprobre sa bansa.

“Palaging pinakamahirap pa rin ang mga magsasaka dahil walang tunay na reporma sa lupa at walang tunay na pag-unlad ng kanayunan at industriyalisasyon ng rural economy,” ani Mariano, chairman emeritus ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP).

Sa datos na inilabas ng PSA, nagtala ng 30.6% poverty incidence ang mga Pilipinong mangingisda – pinakamataas sa mga nakalipas na dekada.

Nasa ikalawang pwesto naman ang mga magsasaka na nakasungkit ng 30% poverty incidence, kasunod ang 26.4% sa hanay ng mga kabataan, habang nakapagtala naman ng 25.7% ang mamamayang Pilipino sa mga kanayunan.

“These sectors had the highest proportion of individuals belonging to families with income below the official poverty thresholds compared to the other basic sectors,” ayon sa PSA.

Ayon kay Mariano, posibleng mas mataas pa ang poverty incident sa nasabing sektor kung nagalugad nang husto ng PSA ang buong bansa.

Nabatid sa dating mambabatas na nang maupo si Marcos bilang Pangulo noong nakaraang taon, naglatag na ang mga ito ng mga solusyon na dapat nitong gawin para makaahon sa kahirapan ang mga magsasaka at mangingisda.

Kabilang dito ang pagbabawal sa land conversion, pagsuspinde sa rice tariffication law, pagkontrol sa importasyon ng mga produktong agrikultura at isda, pagtigil sa smuggling at pagbibigay ng ayuda sa mga magsasaka, subsidy sa abono at iba pa.

“However, the Marcos government did the opposite and instead prioritized the legislation of Maharlika Investment Fund and Charter Change through Constitutional Convention that will eventually give 100% foreign-ownership of land,” ani Mariano.

“Mas naghihirap din ang mga magsasaka dahil sa todong importasyon at liberalisasyon ng agrikultura. Hindi rin sapat ang badyet at pondo sa agrikultura na karaniwan pang nalulustay sa korapsyon. Nakaparaming dapat gawin ang Pangulo na siya ring agriculture secretary,” dagdag pa nito.

Nilinaw ng PSA na hindi lamang ang sektor ng agrikultura, kabataan at mga residente sa mga liblib na pamayanan ang dumaranas ng kahirapang dulot ng bagsak na ekonomiya sa nakalipas na tatlong taon.

Katunayan anila, maging ang mga residente sa mga pangunahing lungsod na mayroong 11.6% poverty incidence, dumaranas ng paghihirap.

Mula 2018, tumaas ng 4% ang antas ng kahirapan ng mga mangingisda, habang pinakamarami naman ang apektado sa hanay ng mamamayang nakatira sa mga kanayunan at malayong probinsya. (BERNARD TAGUINOD)

138

Related posts

Leave a Comment