LALALA pa ang pagiging agresibo ng China sa West Philippine Sea kung walang agarang aksyon na gagawin si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., para idepensa ang teritoryo ng bansa sa nasabing karagatan.
Ito ang babala ng Makabayan bloc sa Mababang Kapulungan ng Kongreso kasunod ng sadyang pagbangga ng China Coast Guard (PCG) sa resupply boat na inarkila ng Armed Forces of the Philippines (AFP) para magdala ng supply sa mga sundalong nakadeploy sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal kamakalawa.
Maging ang BRP Cabra ng Philippine Coast Guard (PCG) ay sinadya umanong banggin ng Chinese militia boat na mariing kinondena ng National Task Force for the West Philippine Sea (NTF-WPS) at maging sa Kongreso.
“Sumusobra na talaga ang pagiging agresibo ng Tsina sa WPS at mukhang mas lalala pa ito sa mga susunod na araw kung walang “decisive action’ tulad ng muling pagsasampa ng kaso sa Tsina,” ani House deputy minority leader France Castro.
Kailangan aniyang dalhin na ng Pilipinas ang usapin na ito sa United Nations General Assembly (UNGA) at itulak ang isang resolusyon para pigilan ang China sa patuloy na pambubully sa WPS.
Naniniwala ang grupo ni Castro na aani ng suporta ang ilalatag na resolusyon dahil karamihan sa mga bansa sa mundo ay nasa paligid ng coast water at ayaw nilang mangyari sa kanila ang ginagawa ng China sa Pilipinas.
Kapag nagkaisa anila ang mundo ay maaaring maghinay-hinay ang China lalo na kung i-pressure ito na igalang ang 2016 arbitral ruling na kumikilala sa karapatan ng Pilipinas sa mga teritoryong inaangkin ng mga ito.
“Kailangang kagyat na umaksyon ang gobyernong Marcos para mapigilan ang pambubully ng Tsina. Marapat na paspasan ang pagdevelop sa Pag-Asa Island at pagtatayo din ng mga permanent structures sa WPS para sa 24/7 na territorial security patrol at magagamit pang pahingahan ng mga mangingisdang Pilipino,” dagdag pa ni Castro.
Kahapon ay iniutos ni Marcos na imbestigahan ang insidente, NTF-WPS.
Nauna rito, nagpatawag si Pangulong Marcos ng command conference para talakayin ang pinakabagong paglabag ng China sa resource-rich region.
“He instructed the Philippine Coast Guard to conduct an investigation, as mandated by international maritime laws, into the events that transpired during the RORE mission to Ayungin Shoal by vessels of the China Coast Guard,” ayon sa Presidential Communications Office (PCO).
Sa kabila ng pagbangga ng CCG, nakapagpatuloy sa RORE mission ang UM2 at ang barko ng PCG.
Nanindigan naman ang CCG na legal ang pagharang nila sa mga bangko ng Pilipinas dahil nagdadala umano tayo ng “illegal construction materials” sa BRP Sierra Madre.
Samantala, kinondena ni US Ambassador to the Philippines MaryKay Carlson ang China dahil sa “latest disruption of a legal Philippine resupply mission to Ayungin Shoal,” at ang paglalagay sa panganib sa mga sakay ng barko.
Naglabas din ng pahayag ang Canadian Embassy sa Pilipinas at kinokondena ang insidente ng banggaan.
(BERNARD TAGUINOD/CHRISTIAN DALE)
